Balita

Mga kandidato at partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, tumugon sa Workers Challenge 2025

,

Kasama ang 11 kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan at Bayan Muna Party-list sa mga kandidatong tumugon sa Workers Challenge 2025 na inilatag ng higit 100 unyon at pederasyon ng manggagawa mula sa publiko at pribadong sektor. Inianunsyo ang kanilang pagtanggap sa hamon sa pagtitipon ng mga manggagawa sa University of the Philippines-Diliman noong Abril 23.

Tatlo ang hamon na nakatala sa Workers Challenge 2025. Hinahanap ng mga unyon at manggagawa ang mga kandidato at partidong magtataguyod ng pambansang sahod na nakabubuhay, pagwawakas sa kontraktwalisasyon at susuporta sa ganap na kalayaang mag-unyon.

Liban sa mga kandidato ng Koalisyong Makabayan, kumasa rin sa hamon ng mga manggagawa ang anim pang kandidato sa pagkasenador. Tumindig rin para sa mga kahingiang ito ang partido ng mga manggagawang pangkalusugan na Health Workers Party-list at apat pang grupong party-list.

“Ang hamon naming mga manggagawa na magpasa ng batas para sa pambansang sahod na nakabubuhay ay hindi isang suntok-sa-buwan na kahilingan upang isabatas,” pahayag ni Joel Camigla ng APT Workers Union. Aniya, isa itong lehitimong hinaing bunsod ng kabiguan ng mga regional wage board at ang RA 6727 o ang Wage Rationalization Act of 1989 na nagluwal ng mga kontra-manggagawang provincial rates.

“Across-the-board ang pagtaas ng presyo ng mga bayarin at bilihin pero regulated ang minsanang dagdag sahod na barya-baryang ipinapatupad ng mga wage boards sa buong bansa,” pahayag ng lider-unyonista.

Dumalo sa aktwal na pagtitipon ng mga manggagawa si Jerome Adonis, kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan at pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno. “Maaasahan ninyo ito sa akin, sa amin sa Makabayan Coalition na bibitbitin natin ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod sa lahat ng manggagawa, both public and private!” aniya.

Liban sa listahan ng mga kumasa sa hamon, naglabas rin ang mga manggagawa ng listahan ng mga binansagan nitong “kontra-manggagawang mambabatas.” Pangunahing laman ng listahan ang mga manok at kandidato ng administrasyong Marcos at kampo ng mga Duterte. “Kandidatong di kumasa, i-zero sa balota!” sigaw ng mga manggagawa.

“Isa itong makasaysayang pagtitipon at pagpapakita ng positibong hinaharap ng kilusang manggagawa sa bansa. Ng paghahawan ng landas para sa higit pang pagkakaisa para bigyang pag-asa ang ganap na pagkakamulat ng manggagawa bilang uri,” pahayag ng Technical Working Group (TWG) ng Workers Challenge 2025.

Anito, hindi pa tapos ang Workers Challenge at plano nitong abutin at hamunin ang mga lokal na kandidato mula sa mga konsehal hanggang sa mga gubernador. “Sila man ay dapat nating hamunin at timbangin kung nasaan ang kanilang hangarin at plataporma para sa mga manggagawa,” anang TWG.

Kabilang sa mga nanguna sa Workers Challenge 2025 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Federation of Free Workers, Kapisanan ng Manggagawa Sa GOCC’S at GFI’S, Kasama Federation, National Confederation Of Labor, National Federation of Labor, Public Services Labor Independent Confederation, United Filipino Service Workers at ilampung lokal na unyon.

AB: Mga kandidato at partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, tumugon sa Workers Challenge 2025