Balita

Mga katutubo sa Mindoro at Rizal, ginipit at tinakot ng mga sundalo

Mariing kinundena ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (Balatik) ang panliligalig at pananakot ng militar at pulis sa mga komunidad ng mga Dumagat sa Tanay Rizal at Mangyan-Iraya sa Abra de Ilog, Mindoro habang isinasagawa ang International Solidarity Mission (ISM) na pinangunahan ng Peoples Rising for Climate Justice. Layunin ng aktibidad na imbestigahan at makiisa sa mga komunidad na nakararanas ng panggigipit, pang-aagaw ng lupa, korapsyon at militarisasyon.

Sa unang araw ng aktibidad noong Oktubre 11, agad nang nakaranas ng panggigipit ang mga delegado mula sa mga ahente ng AFP at PNP. Sa Occidental, Mindoro, ilang beses na pinaikot-ikot ang mga delegado sa mga inimbentong proseso ng lokal na ahensya sa tangkang pigilan sila sa kanilang mga planong aktibidad.

Noong Oktubre 12, sa Tanay, Rizal, hinaras ng mga elemento ng 80th IB ang mga delegado. Pinilit ng mga ito na kunin ang pangalan ng mga delegado. Kinagabihan, may namataang ding anim na sundalo ang umaligid sa kanilang tinutuluyan. Plano sanang maglunsad ng “community kitchen” para sa mga katutubo ngunit sinagkaan ito ng National Commission on Indigenous Peoples.

Ayon sa grupo, hindi na bago sa Timog Katagalugan ang panunupil sa mga aktibidad na may layuning ilantad ang tunay na kalagayan ng karapatang-tao sa rehiyon. Patuloy na umiiral sa isang de facto na batas militar sa rehiyon, na salamin ng lumalalang krisis sa karapatang-tao sa buong bansa.

Anila, ang Timog Katagalugan ang isa sa pinakamilitarisadong lugar sa Luzon. Dati nang napatunayan ang tuwirang ugnayan ng militarisasyon sa presensya ng mga makadayuhan at anti-kalikasan na mga proyekto na sapilitang itinatayo sa mga lupaing ninuno upang pigilan ang pagtutol ng mga katutubo.

Sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro, sinampahan ng gawa-gawang kaso na malicious mischief, trespassing, usurpation/occupation of real rights and properties ang nasa 32 katutubo ng kumpanyang Pieceland Corporation upang sila ay gipitin at palayasin sa kanilang lupang ninuno. Mahigit isang taon nang nagbabakod ang pamayanan ng Malatabako kung saan nagpataw ng hamletting o food blocakade sa komunidad ang kumpanya.

Patuloy naman ang nararanasang pananakot at panggigipit ng pamilyang Dela Cruz sa Tanay, Rizal mula sa hanay ng militar dahil sa kanilang pagsampa ng kaso laban sa 80th IB, na pumaslang kina Randy at Puroy Dela Cruz noong 2021 sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre.

Hanggang sa kasulukuyan, nagpapatuloy ang panggigipit ng mga sundalo sa komunidad na siyang nakakaapekto sa paghahanapbuhay ng mga residente at nagdudulot ng kagutuman sa lugar.

“Nanawagan kami ng matatag at solidong suporta mula sa iba’t ibang sektor at mga alyado at nang patuloy na mailantad ang mga isyung ito at sama-samang manindigan laban sa pandarambong at militarisasyon sa aming mga komunidad!” panawagan ng grupo.

AB: Mga katutubo sa Mindoro at Rizal, ginipit at tinakot ng mga sundalo