Mga kawani ng gubyerno, muling iginiit ang dagdag-sweldo sa DBM

,

Muling nagprotesta ang mga kawani ng gubyerno, sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), noong Hunyo 26 sa harap ng Department of Budget and Management (DBM) sa Maynila. Panawagan nila sa kagawaran at sa rehimeng Marcos na itaas ang sweldo ng mga kawani sa nakabubuhay na antas na nasa ₱33,000 na kada buwan.

Ayon sa grupo, paghahanda ang protesta sa darating na okasyon ng pagpasok sa ika-3 taon sa poder ni Marcos Jr. Paniningil din ito sa Malacanang at DMB sa pahayag nitong pag-aaralan at ilalabas ngayong Hunyo ang datos ng posibleng dagdag-sweldo ng mga kawani.

“Sa tindi na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at bayarin hindi na makasabay ang mga kawani at mamamayan, kung kaya naman patuloy ang ating panawagan na iprayoridad na taasan ang buwanang sahod tungo sa disente at nakabubuhay na antas,” pahayag ng Courage.

Iginigiit din ng Courage na itaas ang kabayaran at paunlarin ang iskema ng pagbibigay ng pusisyon sa mga empleyado ng lokal na gubyerno (LGUs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs). “Naninindigan ang Courage laban sa mga iskemang nagpapababa sa kumpensasyon at pumipigil sa makabuluhang dagdag-sweldo para sa mga rank-and-file na manggagawa,” ayon pa sa grupo.

Itinutulak din nila ang dagdag-sweldo para sa mga manggagawang job order at contract-of-service. Dapat din umanong ibilang ng rehimeng Marcos at DBM ang mga unyon at samahan ng mga kawani sa proseso ng pagtatakda ng dagdag-sweldo sa kanilang hanay.

AB: Mga kawani ng gubyerno, muling iginiit ang dagdag-sweldo sa DBM