Kagawaran sa kalusugan, muling kinalampag ng mga manggagawang pangkalusugan

Panibagong protesta ang inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan sa Department of Health (DoH) sa Maynila ngayong araw, Nobyembre 13, para ipanawagan ang dagdag-sweldo, mga benepisyong matagal nang naantala, at pagbabalik sa badyet na tinapyas sa sektor ng kalusugan. Lumahok sa protesta ang iba’t ibang unyon sa pribado at pampublikong ospital na kasapi ng Alliance of Health Workers (AHW).

Nagsagawa sila ng noise barrage at protestang die-in o paghiga sa harap ng DoH para ipabatid ang kanilang galit at pagkadismaya sa kawalang sinseridad at pagbaliwala sa kanila ng rehimeng Marcos. Giit nila, hanggang ngayon ay hindi pa rin binabayaran ng rehimen ang kanilang health emergency allowance.

Ayon kay Eleazar Sobinsky, AHW Public Relations Officer, tinatagurian na mga “makabagong bayani” ang mga manggagawang pangkalusugan ngunit hindi pinakikinggan ang kanilang mga hinaing. “Gumagampan kami ng hindi matutumbasang tungkulin at kontribusyon sa pagbibigay ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino,” aniya, ngunit wala umanong nagbabago sa kanilang mahirap na kalagayan.

Binabagabag umano ang sektor ng kakulangan ng mga tauhan at labis-labis na pagpapatrabaho sa mga personel, kakulangan ng pasilidad, suplay at mga gamot. “Dahil sa kainutilan ng gubyernong ito higit na pagdurusa ang dinaranas ng mga pampublikong ospital,” dagdag ni Sobinsky.

“PBBM at DOH ano na? Malapit na magpasko ngunit ang aming February-July 2023 na health emergency allowance ay di pa rin naibibigay hanggang ngayon,” pahayag ni Salome Ejes, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-AHW.

Nakadidismaya at nakagagalit umano para sa mga manggagawa ang kawalang aksyon ng gubyerno at DoH at bagong kalihim nito na dapat ay nangangalaga sa kagalingan ng mga manggagawang pangkalusugan. Anang mga manggagawang pangkalusugan, magpapatuloy ang kanilang mga protesta at pangangalampag hanggang sa ibigay ang dagdag-sweldo, benepisyo, karagdagang badyet sa edukasyon at kanilang makatarungang kahingian.

AB: Kagawaran sa kalusugan, muling kinalampag ng mga manggagawang pangkalusugan