Tuluy-tuloy na protesta para sa benepisyo at karapatan, inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan
Walang-maliw na mga kilos protesta at aksyong masa ang inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan at kanilang unyon sa pamumuno ng Alliance of Health Workers (AHW) mula pa noong Disyembre 5. Linggo-linggong naglulunsad ng mga pagkilos ang AHW sa mga ospital. Noong Disyembre 13 sumugod sila sa Department of Budget and Management (DBM) para igiit ang mabilis na paglalabas ng pondo para sa kanilang mga benepisyo.
“Dismayado kami sa DBM at sa adminitrasyong Marcos!” pahayag ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW. Aniya, napakadaling pondohan para sa kanila ang bilyun-bilyong pisong confidential fund ng pangulo at iba pang upisyal at ahensya pero napakatagal at usad-pagong sa pagbibigay ng pondo para sa health emergency allowance (HEA) ng mga manggagawang pangkalusugan, na anila ay dapat matagal nang ibinigay dahil para pa ito sa pagsisilbi noong kasagsagan ng Covid-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, mailalabas ng DBM ang pondo para sa benepisyong ito sa darating pang 2026. Anang AHW, napakatagal pa ng panahong ito at nauubos na ang kanilang pasensya. Giit nilang kagyat na ibigay ang benepisyong pinaghirapan nila bago matapos ang taon.
“Napaka-walang puso ng gubyernong ito! Tatlong taon pa bago babayaran ang tinatawag nilang mga makabagong bayani,” ayon pa kay Mendoza.
Liban sa kanilang HEA, giit din ng mga manggagawang pangkalusugan na ibigay na ang kanilang overdue performance based-bonus para sa mga taong 2021 at 2022. Panawagan din ng AHW na itaas ang sweldo ng mga manggagawang pangkalusugan na, dulot ng napakataas na presyo ng mga bilihin, ay naagnas na ang halaga. Dapat umanong bigyan ng entry salary na ₱33,000 ang mga manggagawang pangkalusugan.
Para sa AHW, ang lubhang pagkaantala ng kanilang mga alawans at benepisyo na kanilang naipagtagumpay sa deka-dakadang paglaban ay isang asunto sa kanilang mga karapatan at kagalingan.
Binatikos din ng AHW ang pagkakatalaga kay DOH Secretary Herbosa at kumpirmasyon sa kanya ng Commission on Appointments noong Disyembre 5. Anang grupo, si Herbosa ay hindi nararapat maging kalihim ng DOH dahil siya ay kontra-manggagawang pangkalusugan, isang Red-tagger, at sumusuporta sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at serbisyong pangkalusugan.
Bago ang pagkilos ng AHW sa DBM, nagsagawa ng mga protesta ang mga kasaping unyon nito sa kani-kanilang ospital. Noong Disyembre 12, nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa Jose Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital at Fabella Hospital; noong Disyembre 11 sa Tondo Medical Center; noong Disyembre 7 sa National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines at Philippine Children’s Medical Center; noong Disyembre 6 sa Philippine General Hospital; at noong Disyembre 5 sa Philippine Orthopedic Center (POC) at National Children’s Hospital (NCH).