Mga mag-aaral ng Ateneo sa iba't ibang kampus, nanindigan laban sa mandatory ROTC

,

Magkasunod na protesta ang inilunsad ng mga estudyante ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) at Ateneo de Davao University (AdDU) kahapon at ngayong araw bilang paninindigan laban sa pagpapatupad ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa bansa. Inilunsad ito kaugnay ng nalalapit na pinal na pagdinig ng panukalang Mandatory ROTC sa Senado sa Setyembre 20.

Sa Davao City, nagtipon sa isang programa at nagtirik ng mga kandila ang mga mag-aaral ng AdDU sa Roxas Avenue, AdDU Jacinto Campus ngayong hapon. Pinangunahan ang aktibidad ng Samahan ng Mga Mag-Aaral ng Pamantasang Ateneo de Davao.

Kahapon sa Zamboanga City, nagsagawa naman ng porum ang mga estudyante ng AdZU at nagmartsa sa loob ng kampus matapos nito. Bilang pagtatapos ng kanilang programa, nagtirik din sila ng mga kandila. Pinangunahan ang aktibidad ng El Consejo Atenista-AdZU.

Naglunsad naman ng mga konsultasyon at kampanyang impormasyon ang mga konseho ng mag-aaral sa Ateneo de Naga University at Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Naglabas din ng nagkakaisang pahayag laban sa mandatory ROTC ang Buklod Atenista, alyansa ng lahat ng mga konseho ng mag-aaral sa mga institusyong pang-edukasyon ng mga Jesuit sa Pilipinas.

“Naninindigan ang Buklod Atenista laban sa muling pagpapanumbalik ng programang Mandatory ROTC dahil kinikilala nito ang higit na pabigat na ipapataw nito at pagsasaligal ng kultura ng pang-aabuso sa panahon ng litaw na krisis sa edukasyon sa Pilipinas,” ayon sa pahayag ng alyansa.

Giit nila, bilang isang Ateneo, sila ay naninidigan at ipagpapatuloy ang laban na ginagabayan ng hustisyang panlipunan. “Sinusuportahan namin ang laban kontra sa pagpapanumbalik ng programang ROTC na inilulunsad ng masang Pilipino sa diwa ng tunay na nasyunalismo at pagtataguyod ng batayang karapatang-tao,” dagdag pa nito.

Nanawagan sila sa Kongreso na dinggin ang panawagan ng mga estudyante at huwag isabatas ang naturang panukala.

AB: Mga mag-aaral ng Ateneo sa iba't ibang kampus, nanindigan laban sa mandatory ROTC