Mga mambabatas ng EU, nakipagpulong sa blokeng Makabayan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao

,

Nakipagdayalogo ang mga mambabatas ng European Union (EU) Subcommittee on Human Rights sa mga mambabatas ng blokeng Makabayan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Pebrero 23 para pag-usapan ang kalagayan ng karapatang-tao sa bansa.

Sa isang pulong sa House of Representatives sa Quezon City, pinag-usapan nila ang gera kontra droga ng dating rehimeng Duterte at ang pagsuporta ng EU sa itinutulak na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay Rodrigo Duterte at kanyang mga kasabwat sa kanilang krimen laban sa sangkatauhan.

Ibinahagi ng mga kinatawan ng Makabayan sa mga mambababatas ng EU ang nagpapatuloy at tumitinding paglabag sa karapatang-tao sa bansa laluna sa mga progresibong organisasyon at sektor. Kasabay nito, isinumite ng bloke sa mga mambabatas ng EU ang mga kopya ng kanilang resolusyon sa House of Representatives na nagtutulak ng imbestigasyon sa mga paglabag sa karapatang-tao.

Anang Makabayan, umaasa silang aaksyunan ng House of Representatives ang mga resolusyong ito para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Ayon sa Kabataan Partylist, itutulak umano nila ang pagpapanagot sa mga sangkot sa anti-mahirap na gera sa droga sa mga paglabag sa karapatang-tao na idinulot nito. Sa taya ng mga grupo, hindi bababa sa 30,000 ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay sa ilalim ng gera sa droga ni Duterte.

“Sa lagay ng sirang sistema ng hustisya sa bansa, naniniwala kami na dapat gamitin ang lahat ng mga lokal at internasyunal na plataporma para sa prosekusyon kay dating pangulo Rodrigo Duterte at kanyang mga heneral sa gera sa droga,” giit pa ng grupo.

Samantala, nagpasalamat naman si Tinay Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan, sa delegasyon ng EU para sa isang “mabunga at prangkang diskusyon sa sitwasyon ng karapatang-tao sa bansa.”

AB: Mga mambabatas ng EU, nakipagpulong sa blokeng Makabayan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao