Balita

Mga manggagawa ng Amazon sa 20 bansa, nagkasa ng welga

,

Libu-libong manggagawa ng Amazon sa 20 bansa ang nagkasa ng welga noong Nobyembre 29 o Black Friday, isa sa pinakaabalang araw ng pagbebenta ng kumpanya dahil sa ibinibigay nitong mga diskwento sa araw na ito. Magtatagal ang welga hanggang Disyembre 2, na tinagurian namang “Cyber Monday.”

Ang Amazon ay pag-aari ni Jeff Bezos, pangalawang pinakamayamang indibidwal sa mundo. Nagkakahalaga ang kumpanya ng $2.163 trilyon at kumita ng $30.4 bilyon noong nakaraang taon.

Bantog ang Amazon sa pagiging barat sa pagpapasahod, hindi nagreregularisa ng mga manggagawa, hindi ligtas ang mga kundisyon sa paggawa sa mga bodega nito at aktibo pagsupil sa karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon para maggiit ng makatarungang sahod at mga benepisyo.

Panawagan ng mga manggagawa ang makatarungang sahod at benepisyo, pagtigil sa mga pang-aabuso at karapatan nilang mag-unyon. Isinagawa ang mga welga ng mga manggagawa ng kumpanya sa US, Germany, the UK, Turkey, Canada, India, Japan, Brazil at iba pa sa ilalim ng kampanyang “Make Amazon Pay” (Pagbayarin ang Amazon). Ang welga ay panlima nang koordinadong pagkilos. Mayroong higit 1.5 milyong manggagawa ang kumpanya sa buong mundo.

Sa US, tinutulak ng mga manggagawa ang pagtataas ng kanilang sahod tungong $25/oras. Bago nito, napilitan na ang Amazon na itaas tungong $22/oras ang sahod ng mga manggagawa (mula $15/oras noong 2018) matapos ang tuluy-tuloy na mga pagkilos at pangangampanya ng mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta. Hindi ito nakasasapat para bumuhay ng isang pamilya, ayon sa mga manggagawa. Sa US, nasa $21.10/oras ang itinakdang nakabubuhay na sahod para sa isang indibidwal na walang anak.

Sa India, tumatanggap lamang ang mga manggagawa ng kumpanya ng abereyds na 10,000 INR (Indian Rupee) kada buwan ($120 o ₱6,960 sa palitang $1=₱58), na malayong di nakasasapat sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Panawagan ng mga manggagawa rito na itaas tungong INR 25,000 ang kanilang sahod. Mayroong 20,000 manggagawa ang Amazon sa bansa.

AB: Mga manggagawa ng Amazon sa 20 bansa, nagkasa ng welga