Balita

Mga manggagawang pangkalusugan, iginiit ang kanilang partido para sa eleksyong 2025

,

Nagpiket sa harap ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila ang mga nars, duktor at manggagawang pangkalusugang kasapi ng Health Workers Partylist noong Agosto 27 para ipanawagan sa ahensya na pahintulutan ang kanilang partido na makatakbo sa darating na eleksyong 2025 para sa partylist. Kasabay ito ng paghahain nila ng Motion for Reconsideration sa Comelec kaugnay ng pagtanggi ng ahensya na irehistro ang partido noong Agosto 22.

“Walang laman at hindi matapat ang pagkilala sa mga manggagawang pangkalusugan bilang mga ‘modernong bayani’… kung tatanggihan ang kanilang pagtakbo para isulong ang pagbabago sa naghihingalo nating sektor pangkalusugan,” pahayag ni Dr. Joyce Brillantes, upisyal ng partido.

Ibinasura ng buong Comelec ang papeles ng Health Workers Partylist para makapagrehistro dahil sa isang simpleng teknikalidad ng pag-iiba sa isang “partidong sektoral” sa “sektoral na organisasyon.” Naniniwala ang partido na hindi dapat ito batayan para pigilan silang tumakbo ng ahensya.

“Hindi dapat natin ito pahintulutan,” anang grupo. Anila, mahusay nilang kinumpleto ang mga rekisito ng Comelec para sa pagrerehistro. Sa katunayan, ang partido ay mayroong hindi bababa 11 balangay sa 16 na syudad sa National Capital Region.

“Ang mga kasapi namin ay mga manggawang pangkalusugan na isinugal ang kanilang sariling buhay para isalba ang buhay ng mga pasyente bago pa, noong panahon at pagkatapos ng pandemya,” anang grupo. Idiniin pa nila na nanguna sila sa mga aksyong masa para sa kalusugan ng taumbayan, sweldo, benepisyo, proteksyon at makataong kundisyon sa trabaho ng mga manggagawang pangkalusugan.

Ipinahayag nila ang labis na pagkadismaya sa Comelec dahil tinanggalan na sila kaagad ng pagkakataon ng ahensya bago pa man nila maipabatid sa mas maraming mamamayan ang kanilang mga plataporma at adyenda sa lehislatura.

Liban sa pagsusumite ng motion for consideration sa Comelec, nagpaplano rin ang grupo na magsumite ng kaukulang remedyong ligal sa Korte Suprema.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, iginiit ang kanilang partido para sa eleksyong 2025