Mga manggagagawang tinanggal ng Toyota noong 2001, naggigiit ng hustisya
Nagpiket noong Marso 16 sa harap ng Japanese Embassy sa Pasay City ang mga manggagawa ng Toyota Motors Philippines na tinanggal ng kumpanya mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Nanawagan sila ng hustisya para sa mahigit 230 manggagawang myembro ng Toyota Motors Philippines Corp. Workers Association (TMPCWA-ZENZOSEN) na iligal na tinanggal ng Toyota noong 2001. Nagmula ang mga manggagawa sa mga syudad sa Metro Manila, Cavite, Batangas, at Laguna.
Kahit 23 taon ang nakalipas, patuloy pa rin na lumalaban ang TMPCWA at iginigiit ang kanilang karapatan bilang manggagawa sa kapitalista at Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa mga manggagawa, hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya na nararapat sa kanila at kanilang mga pamilya.
Liban dito, ipinagpapatuloy din ng mga manggagawa ang panawagan sa Toyota Santa Rosa para igiit sa bagong presidente ng Toyota Motors Philippines na si Masando Hashimoto na aksyunan ang kanilang matagal nang hinaing.
Tinanggal ang mga manggagawa ng Toyota noong 2001 kasunod ng paggigiit ng unyon ng negosasyon para sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kumpanya. Kasunod ng maramihang tanggalan, nagkasa ng welga ang unyon noong Marso 2001. Apat pang kasapi ng unyon ang tinanggal ng kumpanya noong Agosto sa taong iyun.
Ipinababatid ng TMPCWA sa gubyerno ng Japan na may pananagutan ito sa mga manggagawa at dapat irespeto ang mga rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO) hinggil sa paggalang sa karapatan ng mga manggagawa sa bansa.