Balita

Karapatan para magwelga, ipinagtanggol sa UK

,

Inilunsad ng halos kalahating milyong manggagawang bumubuo sa iba’t ibang unyon sa United Kingdom ang mga pagkilos noong Pebrero 1 para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa pagwewelga. Nasa sentro ng paglaban na ito ang pagtatakwil sa ipinapanukalang batas kontra-welga (Strikes Bill). Laman ng panukala ang pagpwersa sa mga unyon na mag-iwan ng mga nagtatrabahong mga manggagawa sa panahon ng welga sa mga sektor ng kalusugan, seguridad, edukasyon, transportasyon at iba pang serbisyong pangkagipitian tulad ng mga ambulansya, bumbero at rescue. Bumwelo ang mga welga sa mga sektor na ito mula nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Malinaw ang layunin ng panukalang ito na sikilin ang karapatan sa welga habang bumubwelo sa bansa ang mga pakikibaka para sa dagdag-sahod, mga makataong kundisyon sa paggawa at iba pang benepisyo. Pahihinain nito ang lakas ng mga manggagawa sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sa pakikipagtawaran o negosasyon. Dagdag na probisyon ng panukala ang pagbibigay ng karapatan sa mga kapitalista at estado na sisantihin ang mga manggagawa na tatangging magbigay serbisyo sa panahon ng mga welga.

Kasabay nito, dala rin ng mga manggagawa ang panawagan laban sa iba pang hakbang ng paghihigpit ng sinturon o austerity measure ng estado, na higit pang nagpapahirap sa mamamayan.

Pinakamaraming lumahok sa mga pagkilos ang mga guro na nanawagan para sa dagdag na sweldo, tauhan at pondo para sa mga paaralan. Nagwelga rin ang mga unyon ng mga manggagawa sa unibersidad at kolehiyo, mga inhinyero at bumbero, gayundin ang mga manggagawa sa tren, barko at iba pang transportasyon. Liban sa kabisera ng bansa na London, nagkaroon ng mga pagkilos sa di bababa sa walo pang syudad.

Liban sa koordinadong welga na ito, isinasagawa ng mga unyon ang kani-kanilang mga pagkilos at welga sa harap ng pagmamatigas ng kani-kanilang mga maneydsment sa pakikipagtawaran. Mula nakaraang taon, paparami, papadalas at mas nagtatagal ang mga welga.

Nangako ang mga manggagawa na paiigtingin pa nila ang kanilang mga welga hanggang hindi tinutugunan ng estado ang kanilang mga makatarungang kahilingan. Muling magkakaroon ng pambansang welga sa Marso 15 kung kailan isasalang sa parlamento ng UK ang pambansang badyet.

AB: Karapatan para magwelga, ipinagtanggol sa UK