Mga manininda sa palengke sa Tuguegarao City, nagkaisa kontra gerang agresyon ng US
Daan-daang manininda ng Mall of the Valley (MoV), isang palengke sa Tuguegarao City sa Cagayan, ang lumagda sa isang petisyon na nananawagan ng agarang pagpapatigil sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran. Kasabay nito ang panawagan nila para sa pagbaba ng presyo ng langis na ibinunga ng gera, at paggigiit sa gubyerno ng suporta sa pinansya sa mga maliliit na manininda na apektado ng tumitinding krisis sa langis.
Para ipabatid sa mas marami ang kanilang panawagan, nagsabit at nagpaskil ng panawagan ang mga manininda sa kanilang pwesto. Itinampok nila ang mga panawagan para ibaba ang presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, na direktang nakaapekto sa kanilang kabuhayan at kita sa araw-araw.
Ayon sa mga manininda, umaabot na sa halos 60 porsyento ang ibinaba ng kanilang kita mula nang sumirit ang presyo dahil sa gerang agresyon. “Hindi kami pwedeng tumigil sa pagtitinda kahit halos lugi na kami dahil nagpapaaral kami ng aming mga anak,” ayon kay Pacita Calucag, manininda ng daing sa naturang palengke.
Iginiit ng mga kalahok sa pagkilos na mahalagang marinig ng lokal na guyerno ng Tuguegarao at ng Cagayan ang kanilang kalagayan upang makapagdaos ng dayalogo at makahanap ng kongkretong hakbang para matugunan ang kanilang mga hinaing.
“Hindi naman kami ang nagsimula ng gerang iyan pero kami ang direktang naaapektuhan. Kailangan na itong matigil para hindi na madamay ang ordinaryong mamamayan. Dapat umaksyon din ang pambansang gubyerno para alisin ang Excise Tax at VAT sa langis upang bumaba ang presyo nito,” ayon naman kay Anastacia Baggay, isa ring manininda.
Sa kabila ng mahigit walong oras na pagtitinda araw-araw, sinabi ng mga manininda na madalas ay mas mababa pa sa minimum na sahod ang kanilang kinikita. Hindi rin umano nila basta maitaas ang presyo ng kanilang mga produkto dahil sa pangambang lalo pang mabawasan ang mamimili, bukod pa sa mahigpit na pagbabantay ng Department of Trade and Industry sa presyo ng mga bilihin.
Nanawagan ang mga manininda ng agarang aksyon mula sa pambansa at lokal na gubyerno upang mabigyan ng sapat na suporta ang maliliit na negosyante at mapigilan ang lalo pang paglala ng kanilang kalagayan.