Balita

Mga manok ng rehimeng Marcos sa senado, mga dinastiya at tiwali

,

Ipinakilala ng rehimeng Marcos ang mga manok nito sa senado sa darating na eleksyong 2025 sa inilunsad na pampulitikang pagtitipon noong Setyembre 26 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Kabilang sa 12 kandidato pagkasenador ng administrasyon ang mga kilalang panginoong maylupa, burgesyang kumprador, at burukratang kapitalista mula sa mga dinastiyang pampulitika.

Ang mga manok ni Marcos ay nakapailalim sa bagong lunsad na “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” na kinabibilangan ng limang partido. Nagsama-sama ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at National Unity Party (NUP) para buuin ang pusakal na koalisyon.

Pinangalanan ni Marcos si Benhur Abalos (PFP), Abigail Binay (NPC), Pia Cayetano (NP), Ping Lacson (NPC), Lito Lapid (NPC), Imee Marcos (NP), Manny Pacquiao (PFP), Bong Revilla (Lakas-CMD), Tito Sotto (NPC), Francis Tolentino (PFP), Erwin Tulfo (Lakas-CMD) at Camille Villar (NP).

Dumalo sa naturang pagtitipon ang lahat ng mga kandidato ni Marcos liban sa kanyang sariling kapatid na si Imee Marcos. Nag-anunsyo si Imee ngayong Setyembre 28 na hindi siya magiging bahagi ng mga kandidato ng administrasyon sa eleksyong 2025. Nagpapanggap ang babaeng Marcos na “nais mag-isang tumindig” sa kabila ng kanyang tatak bilang isang Marcos.

Pare-parehong pangalan

Hindi na ikinabigla ng Koalisyong Makabayan ang hanay ng mga kandidato pagkasenador ng administrasyon. Ayon sa progresibong koalisyon, walang bago sa mga pangalang ito at pawang mga datihan nang personahe mula sa mga dinastiyang pulitika at nakaraang administrasyon sa bansa.

“Ang hanay ng mga kandidatong ito ay hindi lamang kumakatawan sa status quo kundi pinagtitibay rin ang matagal nang umiiral na elitismong tumatangi sa pamumuno sa Pilipinas,” pahayag ni Liza Maza, kandidato pagkasenador at lider ng Koalisyong Makabayan.

Aniya, marami sa mga kanidadato ni Marcos ay ilang ulit nang bigong magpatupad ng makabuluhang aksyon para tugunan ang pinakakagyat na pangangailangan ng mamamayang Pilipino. “Kakaunti o halos wala silang signipikanteng mga batas o panukala na tutugoon sa pinakakritikal na mga isyung kinahaharap ng ordinaryong Pilipino—trabaho, katiyakan sa trabaho, kagalingang panlipunan, at karapatang-tao,” ayon pa kay Maza.

Nanawagan ang koalisyon sa mga botanteng Pilipino na kritikal na kilalanin ang mga kandidato para sa eleksyong 2025. “Huwag tayong bastang magpadala sa mga pamilyar na mukha o pulitika ng padrino. Ang kailangan natin ay mga lider na mayroong tapang na tumindig para sa kagalingan ng lahat, yaong hindi nakasalalay sa interes ng iilang makapangyarihang pamilya o indibidwal,” ayon pa kay Maza.

Pandandaliang alyansa

Ikinumpara naman ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Alyansa ng Bagong Pilipinas ni Marcos sa kanyang “uni-team” kasama ang mga Duterte noong eleksyong 2022. Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, sa ngayon ay yumuyuko sila kay Marcos dahil pinagkakaisa lamang sila ng magkakaparehong makasariling interes para paghati-hatian ang pakinabang mula sa korapsyon at pribelehiyo.

Tulad ng “uni-team,” na hindi man lamang tumagal nang isang taon, posible rin ito umanong mabiyak sa panahong nais nang maglamangan para sa mas malalaking bahagdan ng pera ng taumbayan. “Ang kanilang alyansa ay walang prinsipyo at pansamantala,” ayon pa kay Valbuena.

Sa huli, idiniin ng Partido na ang alyansa ni Marcos ay nahihiwalay sa malapad na masang manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang mga uri at sektor ng lipunan. Kinamumuhian umano sila ng taumbayan dahil sa pawang itinataguyod nila ang pambabarat sa sahod, pagpapataas ng presyo ng bilihin at pangangamkam ng lupa at kabuhayan ng mga Pilipino.

“Isa itong alyansa ng malalaking burukratang kapitalista at mga oportunista sa pulitika, na kumakatawan sa luma at bulok na naghaharing sistema,” dagdag ni Valbuena.

AB: Mga manok ng rehimeng Marcos sa senado, mga dinastiya at tiwali