Mga martir ng India, pinarangalan sa Linggo ng Pag-alala
Nakiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa pagpaparangal sa mga martir ng mamamayang Indian bilang bahagi ng Linggo ng Pag-alala sa mga Martir noong Hulyo 28 hanggang Agosto 3. Ang taunang aktibidad ay ipinanawagan at inilunsad ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist).
“Nakikiisa ang mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa mamamayang Indian sa pagkilala sa mga bayani at martir na nag-alay ng sukdulang sakripisyo sa magiting na pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, burukratang kapitalismo at pasismo sa India,” pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.
“Ang aping masang Indian ay hindi magkakaroon ng landas para sa paglaya mula sa imperyalistang dominasyon nang wala ang sakripisyo ng kanilang mga martir sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka,” ayon kay Valbuena. Dagdag niya, ang mga bayani ng mamamayang Indian ay bayani ring maituturing ng mga Pilipino dahil nag-alay sila ng buhay sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Sa Southern Tagalog, naglunsad ng mga pagtitipon ang panrehiyong yunit ng Bagong Hukbong Bayan (Melito Glor Command) bilang pagpaparangal sa mga martir ng India. Pinangunahan nina Comrade Kathryn, upisyal sa pulitika ng hukbong bayan sa rehiyon, at ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command), ang mga aktibidad.
Gumawa ang mga Pulang mandirigma ng poster at chalk art para pagpugayan ang CPI (Maoist), ang People’s Liberation Guerilla Army at kanilang mga martir. Partikular na pinarangalan nila si Kasamang Basavaraju (Nambala Keshava Rao), pangkalahatang kalihim ng CPI (Maoist), na namartir kasama ang 27 iba pa noong Mayo 21 sa Abhujmad sa distrito ng Narayanpur sa Chhattisgarh, India. Binasa ni Ka Cleo sa kanilang pagtitipon ang pahayag ng pagpaparangal ng PKP noong Mayo kay Kasamang Basavaraju.
Ayon sa Komite Sentral ng CPI (Maoist), mayroon itong naitala na hindi bababa sa 357 na mga kasama na namartir sa nagdaang taon. Kabilang dito ang apat na upisyal ng Komite Sentral, 16 ang antas komite ng estado, 23 ang antas komite ng distrito, 83 sa AC/PPC, 138 ang mga kasapi ng Partido, 17 mandirigma ng PLGA, anim mula sa mga organo ng mamamayan, 34 sa hanay ng mamamaayan, at 36 na iba pang walang sapat na detalye.
Marami sa mga namartir ay biktima ng pinabagsik na operasyong militar, tinawag na Operation Kagaar, sa balangkas ng kampanyang kontra-insurhensya na Operation Samadhan-Prahar ng rehimeng Modi. Ilan sa mga kaso ay kinabilangan ng buhay na pag-aresto na sinundan ng sadyang pagpaslang, isang paglabag sa internasyunal na makataong batas.
Kabilang rin sa mga pinarangalan ng CPI (Maoist) ang mga martir at bayani ng pandaigdidang kilusang komunista sa iba’t ibang panig ng mundo. “Ang Komite Sentral ay nagbibigay ng taos-pusong pag-alala sa lahat ng mga martir ng ating bansa at ng pandaigdigang kilusang komunista. Nagpapaabot kami ng pakikiramay sa mga pamilya, mga kamag-anak, at mga kaibigan ng mga martir,” pahayag ng pamunuan ng CPI (Maoist).
Maraming ibang partido at organisasyon, kabilang ang International Campaign in Support of the People’s War in India (ICSPWI), mula sa iba’t ibang bansa ang nakiisa sa Linggo ng Pag-alala sa mga Martir ng India.
“Kapwa sa India at Pilipinas, paparaming bilang ng manggagawa, magsasaka at inaaping uri ang tatahak sa rebolusyonaryong landas, pinanday at binigyang inspirasyon ng pangmatagalang pamana ng kanilang mga bayani at martir,” pagtatapos ni Valbuena.



