Mga pagkaing pang-noche buena, nagmahal na
Nagtaas na ang presyo ng halos kalahati o 43.1% ng pagkaing pang-noche buena ngayong Nobyembre, alinsunod sa inilabas ng Department of Trade and Industry na price list noong Nobyembre 16. Mayroong 236 na iba’t ibang stock keeping unit (SKU) o aytem sa 12 kategoryang pagkain ang naturang listahan. Ang mga presyong nakapaloob rito ay suggested retail price (SRP) sa malalaking supermarket at groseri. Iba pa ang presyuhan sa mas maliliit na tindahan.
Tumaas ang presyo sa 102 SKU, habang nananatiling pareho ang presyo ng 121 SKU sa mga presyo nito noong 2023. Tanging 13 SKU ang may mas mababang presyo. Kabilang sa nagtaas na ang presyo ang ilang klase ng hamon, lahat ng klase ng fruit cocktail, ilang klase ng keso, spaghetti noodles, elbow at salad macaroni, tomato sauce at halos lahat ng klaseng spaghetti sauce. Pinakamalaki ang itinaas ng presyo ng fruit cocktail, na mahigit ₱9).
Samantala, pitong panrehiyong wage board pa lamang ang nagtaas ng sahod ngayong taon. Barya-barya lamang ang iginawad ng mga ito, tulad ng ₱30/araw (Western Visayas, Davao at Northern Mindanao), ₱40/araw (NCR, Central Luzon at Calabarzon) at ₱50/araw (Eastern Visayas).
| Kategorya | SRP |
|---|---|
| Hamon | ₱170.00-₱928.50 |
| Fruit cocktail | ₱61.76-₱302.50 |
| Cheese | ₱56.50-₱310.00 |
| All purpose cream | ₱36.50-₱72.00 |
| Pasta/spaghetti | ₱32.00-₱114.00 |
| Elbow macaroni | ₱30.50-₱126.25 |
| Tomato sauce | ₱16.50-₱92.85 |
| Salad macaroni | ₱36.50-₱126.25 |
| Spaghetti sauce | ₱28.50-₱103.00 |
| Queso de bola | ₱210.00-₱445.00 |
| Mayonnaise | ₱20.40-₱245.85 |
| Sandwich spread | ₱27.00-₱263.60 |