Balita

Mga progresibong lider-guro, nakiramay sa pagkamatay ng isang guro sa Muntinlupa City

Nagpahayag ng pakikiramay ang mga progresibong lider-guro sa pamilya at kaanak ni Agnes Buenaflor, 59 taong gulang, isang guro ng Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa City na namatay noong Enero 7. Magkakasamang nagpunta sa burol ni Buenaflor sa Dasmariñas City, Cavite ang mga lider ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines at mga unyon sa ilalim nito noong Enero 9.

Nabagok ang ulo ni Buenaflor nang nahimatay habang nagsasagawa ng “classroom observation.” Naisugod pa siya sa ospital ngunit namatay rin kalaunan. Ang pagkamatay ni Buenaflor ay tinawag ng ACT Muntinlupa Union bilang “isang trahedya na yumanig sa buong sektor ng edukasyon.”

Anang unyon, dahil sa insidente ay muling nalantad ang bigat at panganib sa kalagayan ng mga guro sa loob ng silid-aralan. “Sa kabila ng sinasabing layunin ng classroom observation na paunlarin ang pagtuturo, matagal nang itinuturing ito ng mga guro bilang pinagmumulan ng matinding stress, pressure, at anxiety,” ayon sa unyon.

Ang classroom observation ay porma ng ebalwasyon ng Department of Education (DepEd) sa kakayahan sa pagtuturo ng mga guro. Ipinatutupad ito sa bisa ng DepEd Memorandum No. 89, s. 2025 na nagbalangkas sa panapanahong walkthrough at mahabang mga obserbasyon sa klase.

Anang unyon, sa haba ng karanasan bilang guro ni Buenaflor ay malinaw na hindi na siya dapat sumailalim sa “mapanupil na ebalwasyon.” Nanawagan ang unyon sa DepEd na agarang itigil ang mga clasroom observation at iginiit ang pagbibigay ng makatao at maka-gurong sistema ng suporta.

Ayon sa ACT Philippines, liban sa “classroom observation” ay mayroon pang mga pamantayan at rekisitong itinatakda para sukatin ang kalidad ng paggampan ng mga guro na nagpapahirap sa kanila, kabilang ang Result-based Management System (RPMS).

Ang mga ito ang gingamit na batayan ng angkop na benepisyo at promosyong ibibigay sa mga guro. “Pinaninindigan ng ACT na ang mga rekisitong ito ay labis, hindi makatao, at umaagaw ng panahon at lakas ng mga guro para sa pagtuturo na pangunahin nitong responsibilidad,” anang grupo.

“Kaisa ang mga kapwa guro at kawaning nagdadalamhati, kolektibo rin nating panawagan ang disente at nakabubuhay na sweldo, karampatang benepisyo, at sapat na pondo sa edukasyon, kalusugan at panlipunang serbisyo na tutugon sa karapatan at kagalingan ng mga guro, kawani, at mag-aaral,” pahayag ng ACT Philippines.

Nakiramay rin at bumisita sa burol ni Buenaflor si ACT Teachers Party-list Antonio Tinio. “Nakikiramay kami sa pamilya at mga kasamahan ni Ms. Buenaflor. Ang kanyang dedikasyon sa pagtuturo ay dapat nating pahalagahan at alalahanin,” pahayag niya. Nanawagan ang kongresista sa DepEd na agarang repasuhin ang mga patakaran nito at dapat magsilbing malaking paalala sa kanila ang nangyari kay Buenaflor.

Samantala, kasabay na bumisita ng mga lider-guro ng ACT at ACT Teachers Party-list si DepEd Undersecretary at Chief of Staff Fatima Panontongan. Nakipagdayalogo ang mga lider-guro sa upisyal ng DepEd at inihapag ang kanilang mga panawagan. Inihapag ng mga guro sa DepEd ang kanilang mayor na mga kahingain kaugnay ng classroom observation.

Kabilang ang panawagan na ipagbawal ang paggamit dito bilang performance rating ng guro para sa Performance-Based Bonus, sa promosyon, o anupaman. Iginiit rin na dapat hindi pasiklaban ang classroom observation at gawin ito para lamang bigyan ng teknikal na tulong ang mga guro.

Dapat rin umanong paiksiin tungong 10-15 minuto ang obserbasyon sa halip na buong panahon ng klase. Hinimok nito ang ahensya na dapat hindi na kasama ang beterano o isang matagal nang guro sa class observation at bigyang konsiderasyon ang tagal sa serbisyo.

Muli ring inihapag ng mga lider-guro ang kanilang panawagan na tuluyang ibasura ang classroom observation at baguhin ang pahirap na sistema ng ebalwasyon ng mga guro.

AB: Mga progresibong lider-guro, nakiramay sa pagkamatay ng isang guro sa Muntinlupa City