Mga protesta kontra Operation Kagar sa India, inilunsad sa Europe
Naglunsad ng protesta ang iba’t ibang grupo, partido at komite sa Belgium, United Kingdom at Austria para batikusin ang madugo at mapanupil na Operation Kagar sa India. Itinaon nila ito sa pulong ng European Parliament Foreign Affairs Committee-Human Rights Subcommittee sa Belgium noong Enero 27. Kasabay rin ito ng pagbisita ng mga upisyal ng European Commission at European Council sa India noong Enero 25-27.
Sa panawagan ng International Committee to Support the People’s War in India (ICSPWI), inilunsad ang mga pagkilos pangunahin sa harap ng European Parliament at Indian Embassy sa Belgium. Nanawagan sila sa European Commission na batikusin ang kampanyang panunupil at pagpatay ng rehimeng Modi sa India sa balangkas ng Operation Kagar. Nagpahayag ng suporta ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) International Office sa araw ng pagkilos.
Mula nang ipinatupad ang Operation Kagar noong Enero 2024, daan-daang mamamayang Indian, laluna ang mga Adivasi (katutubo), ang minasaker ng rehimeng Modi. Pinakikilos nito ang 60,000 pwersang paramilitar, pulis at sundalo at ginagamit ang abanteng kagamitang militar tulad ng drone para sa naturang operasyon. Sa loob ng higit dalawang taon, naitala ang maraming kaso ng pambobomba, pagpatay, pag-aresto at iba pang labag sa karapatang-tao.
Ang Operation Kagar ay isang kampanyang kontra-insurhensya na layuning wakasan ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist). Target ng rehimeng Modi na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa Marso 2026 para bigyang daan ang pagpasok ng malalaking korporasyon sa pagmimina sa India at lupain ng mga Adivasi. Bahagi rin ito ng plano ng rehimeng Modi na magtatag ng isang estadong Brahmanic Hindutva (pasismo laban sa mga minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan).
Ayon sa NDFP International Office, katulad nang nangyayari sa Pilipinas at rebolusyonaryong pakikibakang Pilipino, ang kabiguan ng mga kampanyang kontra-insurhensya ay naglalantad sa batayang katotohanan na hindi magugupo ng reaksyunaryong karahasan ang rebolusyong inianak ng mga kundisyong panlipunan. “Suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Indian para sa pambansa at panlipunang paglaya!” panawagan nito.