Mga protestang “umahon,” inilunsad ng mga manggagawa at unyon kontra korapsyon
Isang koordinadong protesta ng mga manggagawa, maralita at kabataan ang inilunsad sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng Pilipinas noong Nobyembre 14. Bahagi ang mga ito sa serye ng protestang Black Friday na dudulo sa pagkilos sa Luneta sa Nobyembre 30 sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot.
“Sa pagragasa ng mga delubyo, higit na nailantad ang kainutilan ng gobyernong Marcos na tugunan ang mga kalamidad,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno. Nagmartsa ang mga manggagawa tungong Mendiola kasabay ng iba pang sektor. Panawagan nila sa kabataan at manggagawa ang umahon mula sa krisis at korapsyon.
Sabay sa martsa sa Mendiola, di bababa 10 unyon ang kumilos sa tinaguriang mga protestang “umahon” sa araw na ito.
Sa Cabuyao, Laguna, dalawang shift ng mga manggagawa sa ilalim ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union ang nagtipon para sa protestang “umahon.”
Sa Canlubang Industrial Estate sa Laguna, pinangunahan ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union ang protestang umahon pagkatapos ng shift ng mga manggagawa. Tuluy-tuloy na kumikilos ang mga manggagawa dito laban sa barat na kapitalista at korap na mga burukrata.
Sa Cavite, lumabas ang mga manggagawa sa First Cavite Industrial Estate sa pangunguna ng Progressive Workers Union Local 47-IBM KMU.
Sa Valenzuela City, dalawang magkakahiwalay na protestang umahon ang isinagawa ng mga manggagawa ng Vanson Paper Industrial Workers Union at Nagkaisang Samahan ng Manggagawa sa Regan.
Sa Pasig City, nagprotesta ang mga manggagawa mula sa Kaisahan ng Manggagawa sa Himmel.
Sa Pasay City, nagtipon para ilunsad ng Gabay ng Unyon sa Telekomuniksyon ng mga Superbisor ng PLDT ang sarili nilang protestang umahon. Nagsuot sila ng itim na mga tshirt.
Sa Quezon City, nagkasa ng isang UMAHON Protest ang mga manggagawa ng Glowhrain KMU-Kowloon House West Chapter sa tapat ng kanilang pagawaan. “Asado ang mga manggagawa sa serbisyo, pero binobola-bola lang pala ng gubyerno!” anila.
Sa Maynila, umahon sa baha ng korapsyon at kahirapan ang mga manggagawa sa pantalan sa pangunguna ng Cargo Forwarder Labor Union. Isinagawa ang kanilang protesta sa uwian.
Uwian rin ang protestang umahon ng 4E Builders sa Caloocan City.
“Sa ating patuloy na pagkakapit-bisig, matitiyak nating mapapanagot ang mga kurakot sa gobyerno – at ang mga numero unong sindikato: si Bongbong Marcos at Sara Duterte,” pahayag ng KMU.