Balita

Mga residente ng North Caloocan, nililigalig ng NTF-Elcac at 12th CMO Battalion

Mariing kinundena ng Defend Caloocan ang panliligalig, Red-tagging at militarisasyon ng NTF-Elcac at ng 12th Civil Military Operation (CMO) sa mga barangay sa North Caloocan.

Nagsimulang magbase sa Barangay 175 ang 12th CMO, sa pangunguna ni 2nd Lt. Julie San Jose at sa pakikipagtulungan ni Kapitan Ronaldo Matias noong Oktubre 6 sa tabing ng kapayapaan at katiwayasan. Pagkalipas ng ilang araw, sinaklaw na rin ng mga ito ang Barangay 181-182 Pangarap Village at Barangay 187-188, sa Tala, North Caloocan.

Sa ginanap na State of Barangay Assemby ng Barangay 175 noong Oktubre 18, lantarang ni-red-tag ng NTF-Elcac at 12th CMO ang progresibong mga organisasyon. Kasama ng mga sundalo si Joel Miralpes, pangulo ng Peoples Democratic Hawkers Vendors Association sa Manila City at bayarang tau-tauhan ng NTF-Elcac.

Si Miralpes ay dating tagapagsalita ng Kadamay-National Capital Region na tinalikurang ang pagsisilbi sa masa at mulat na nagpapagamit sa estado. Pasimuno siyang pagkakalat ng maling impormasyon, at nagpapasuko sa mga mamamayan para sa NTF-Elcac.

Noong nakaraang taon, ipinain niya sa militar ang mga kasapi ng United Vendors Alliance sa isang aktibidad na inakala ng mga manininda na pamamahagi ng ayuda pero pekeng pagpapasuko pala sa kanila.

Noong 2022, pinalabas din ng ahensya na “sumuko” at “nagbalik-loob” sa gubyerno ang nasa 100 myembro ng Zone One Tondo Organization sa barangay. Nagdulot ng troma sa mga residente ang ginawang panlilinlang at pagpaparatang na mga myembro sila ng rebolusyonaryong grupo.

Ayon sa Defend Caloocan, planong muling “magpasuko” ang mga ahente ng estado ng mga residente at organisasyon ng barangay 175.

“Ang panlilinlang ng 12th CMO Battalion…ay bahagi ng mas malaking operasyon ng AFP at PNP upang patahimikin ang mga progresibong organisasyon at mamamayan na nakikibaka laban sa katiwalan at korapsyon ng gubyerno,” paliwangan ng grupo.

Nananawagan ang Defend Caloocan kay Meyor Along Malapitan, mga konsehal at sa Commission on Human Rights na masusing imbestigahan ang militarisasyon na ginagawa ng 12th CMO at NTF-Elcac sa North Caloocan.

AB: Mga residente ng North Caloocan, nililigalig ng NTF-Elcac at 12th CMO Battalion