Balita

Mga residente ng Smokey Mountain, nagprotesta laban sa demolisyon

, ,

Nagprotesta ang mga residente ng Smokey Mountain at Malara sa harap ng Manila City Hall sa pangunguna ng Samahan ng mga Magkakapitbahay sa Upper Smokey Mountain-Kadamay noong Agosto 18 upang igiit ang kanilang karapatan sa paninirahan at kundenahin ang iligal na demolisyong naganap sa kanilang barangay. Kinundena rin nila ang patuloy na panggigipit sa mga residente ng R-II Builders, na pagmamay-ari ni Enrique Razon, upang paalisin sila sa lugar.

Nakiisa ang mga grupong Nagkakaisa at Nagdadamayang Marala Organization (NANAMO), Anakbayan NCR, Agham Youth National, isang pandaigdigang grupong kontra incinerator at Kalikasan sa protesta.

Nagdeploy naman ang Manila Police District, National Capital Region Police Office ng mahigit 100 kapulisan, isang SWAT team at gumamit ng surveillance drones upang takutin ang mga nagpuprotesta.

Nanawagan ng dayalogo ang mga kinatawan ng mga residente kay Isko Moreno, meyor ng Maynila. Nang papasukin sila sa City Hall ay winalang hiya at binastos lamang sila ng meyor. Pinagpasa-pasahan lamang sila sa mga departamento sa loob saka pinalabas.

Nagsimulang idemolis ang paninirahan sa paligid ng bundok ng Smokey Mountain sa Barangay 128, Tondo sa nakaraang mga buwan upang bigyan-daan ang 100 megawatt na Waste-to-Energy (WTE) Incineration Plant na pagmamay-ari ng Phil. Ecology Systems Corp. Tinatayang higit sa 2,000 pamilya o 23,000 residente at mangangalakal ang mawawalan ng tirahan dahil sa planta. Ang proyektong ito ay nakabalangkas sa malawakang Port Modernization sa kahabaan ng pantalan sa Maynila.

Ayon sa mga grupo, naganap ang demolisyon nang walang tunay na konsultasyon, makataong relokasyon o alternatibong kabuhayan. Malinaw na paglabag ito sa batayang karapatan ng mamamayan.

Dagdag rito, ang proyektong WTE ay matagal nang tinututulan ng mga internasyunal na institusyon dahil sa epekto nito sa kalikasan at banta sa kalusugan ng mga naninirahan malapit sa planta.

Nanawagan ang mga residente ng relokasyon sa loob ng syudad, pagbasura sa proyektong Smokey Mountain WTE, sustenableng pabahay at programang pangkabuhayan at pananagutan mula sa meyor ng Maynila na si Moreno, sa rehimeng Marcos at sa mga kasosyong negosyante.

AB: Mga residente ng Smokey Mountain, nagprotesta laban sa demolisyon