Mga tauhan ng NTF-Elcac na sina Badoy at Celiz, pinagbabayad ng danyos na ₱2.08 milyon dahil sa Red-tagging
Panalo ang mamamahayag na si Alfonso Tomas “Atom” Araullo sa kasong sibil na isinampa niya sa isang korte sa Quezon City laban sa mga tauhan ng National Task Force-Elcac na sina Lorraine Badoy-Partosa and Jeffrey Celiz dahil sa Red-tagging ng mga ito. Pinagbabayad sina Badoy at Celiz ng kabuuang ₱2.08 milyon bilang danyos sa perwisyong idinulot ng kanilang aksyon kay Araullo. Kinatawan siya sa korte ng mga abugado mula sa Movement Against Disinformation.
Isinampa ni Araullo ang naturang kaso noong Setyembre 2023 kaugnay ng walang tigil na paninira at pagkakalat ng kasinungalingan nina Badoy-Partosa at Celis tungkol sa kanya at kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanilang programa sa telebisyon ng SMNI at social media. Sa kasong isinampa ni Araullo, sinabi nitong lumabag ang dalawa sa pangangalaga sa karapatan ng mga indibidwal, sa usapin ng relasyon sa kapwa tao at dignidad na humantong sa seryosong kasiraan at pinsala sa kanyang reputasyon, kapayapaan sa isip at mga personal na relasyon.
“Walang basehan ang kanilang mga paratang. Malinaw na layunin nila ang takutin, siraan, at udyukin ang galit ng publiko laban sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng paghahasik ng intriga,” naunang ipinahayag ni Araullo nang isinampa ang kaso. Aniya, nakikita niya ang mga pag-atake at Red-tagging bilang bahagi ng mas malawak na panggigipit at panunipil sa malayang pamamahayag.
Sa 27-pahinang desisyon ng korte noong Disyembre 12, sinabi ni Judge Dolly Rose Bolante-Prado ng Quezon City Regional Trial Court Branch 306 na ang karapatan sa malayang pamamahayag ay inabuso ng dalawang nasasakdal sa pag-red-tag kay Araullo. Ito ang kauna-unahang desisyon ng isang korte ng ganitong tipo.
Ginamit ng huwes bilang batayan ng hatol ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa kasong Deduro v. Maj Gen. Vinoya, na nagsasabing ang “red-tagging, paninirang-puri, pagbansag, at pagtratong maysala dahil sa pagkakasangkot ay nagiging banta sa karapatan ng isang tao sa buhay, kalayaan, o seguridad.”
Idineklara ng korte na nabagabag ng Red-tagging ang relasyon ng pamilyang Araullo sa pagdudulot ng kahihiyan kay Atom at kanyang ina na si Carol Pagaduan-Araullo. Si Carol ay tumatayong chairperson emeritus ng Bagong Alyansang Makabayan. Nagsampa rin ng ₱2.1 milyong reklamo si Carol laban sa dalawa noong Hulyo 2023.
Saad pa ng korte sa desisyon nito, “ang Red-tagging, bilang banta sa batayang mga karapatan ng isang tao ay malisyoso sa kaibuturan.” Anito, nasa sibil na kasong isinampa ni Araullo ang lahat ng elemento ng paninirang-puri. Malinaw umanong isinapanganib ni Badoy at Celiz ang buhay ni Araullo sa pagdawit sa kanya sa “terorismo.”
Nang isinampa ang kaso, ipinabatid ni Araullo na hindi siya magsasampa ng kasong kriminal laban sa dalawa. Binigyang diin niya ang pagtutol sa kriminalisasyon ng kasong libel dahil nagagamit ito upang gipitin ang lehitimong midya.
Binati ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naging tagumpay ni Araullo sa kaso. “Liban sa moral na tagumpay at pagbibigay-matwid, ipinakita ng pagkapanalong ito sa korte—tulad ng paulit-ulit na sinabi ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapataong-tao—na ang Red-tagging ay nagdudulot ng aktwal na pinsala at panganib,” ayon sa grupo.
Dagdag pa nito, nagbibigay direksyon din ang kaso sa posibleng landas para humingi ng pananagutan ang puu-puong indibidwal at organisasyon mula kina Badoy-Partosa at Celiz at katulad nila sa kanilang malisyosyong Red-tagging at pag-akusa sa telebisyon at social media.