Mga testigong binawi ang sinumpaang salaysay kontra kay De Lima, umabot na sa 14

Matapos pansamantala nakalaya si Leila de Lima, pitong “saksi” pa ang bumawi ng kanilang mga sinumpaang salaysay laban sa dating senadora. Lahat sila’y nagsabing napilitan lamang silang magsalita laban kay De Lima dahil sa banta sa kanilang buhay. Lahat ng mga “saksi” na ito ay hinatulang mga kriminal na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Pito sa mga testigo ay nag-atras ng kanilang salaysay kahapon, Nobyembre 23. Kinilala ang mga ito bilang sina Germa Agojo, Tomas Donina, Jaime Patcho, Wu tuan Yuan (Peter Co), Engelberto Durano, Jerry Pepino at Hans Anton Tan. Pinatawag sila ng korte para sa pangatlo at huling kaso ni De Lima.

Ipinadala nila sa korte ang kanilang liham na may petsang Nobyembre 17, binawi nila ang kanilang salaysay at sinabing “naimpluwensyahan” lamang sila na magbigay ng testimonya laban sa senadora. Anila, nabatid nila ang banta sa kanilang buhay nang naging laganap ang pananaksak sa loob ng NBP noong 2016. Sa pag-atras ng testimonya, ayaw umano nilang “mamuhay na may kaalaman na hinayaan nila ang sarili na maging instrumento ng kawalang-hustisya.”

Nagtiis si De Lima nang halos pitong taon sa kulungan sa mga gawa-gawang kaso sa kanya. Napalaya lamang siya dahil sa likas na kahinaan ng mga kasong ito, at sa tuluy-tuloy na pagsisikap ng kanyang mga abugado. Aniya, walang kinalaman ang pag-atras ng mga testigo sa pagbabasura ng mga kaso.

AB: Mga testigong binawi ang sinumpaang salaysay kontra kay De Lima, umabot na sa 14