Mga unyon ng guro sa National Capital Region, kumilos para sa dagdag-sweldo

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos ang tuluy-tuloy na inilulunsad ng mga samahan at unyon ng mga guro sa National Capital Region (NCR) para ipanawagan ang pagtataas ng kanilang buwanang sweldo. Sinimulan nila ang pagkilos noong Pebrero 14, araw ng mga puso, at nagtuluy-tuloy hanggang ngayong araw sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-NCR Union.

Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang pagsasabit ng mga tarpolin, noise barrage, pagsayaw bilang protesta, piket, at iba pang malikhaing porma sa kani-kanilng eskwelahan sa Quezon City, Pasig City, Caloocan City, Muntinlupa, Navotas City, Parañaque City, Las Piñas City, Taguig City, Marikina City at Manila City.

“Sa araw ng mga puso, hindi lamang namin (ipinahayag) ang pagmamahal namin sa pagtuturo kundi igigiit din ang karapat-dapat na pagkalinga at pagmamahal na dapat ipakita ng gubyerno sa aming mga guro,” pahayag ni Teacher Ruby Bernardo, ACT NCR Union President. Aniya, wasak na wasak ang kanilang puso sa pagpasok pa lamang ng 2024 dahil paulit-ulit silang binibigo ng estado sa usapin ng dagdag sweldo at benepisyo.

Pagdidiin ni Bernardo, malinaw ang karaingan ng mga guro para sa ₱50,000 entry-level salary na tutugma sa pangangailan ng kani-kanilang mga pamilya. Labis din umano silang dismayado dahil sa taun-taong pagkaantala ng kanilang mga benepisyo tulad ng Performance-Based Bonus at pagbabawas sa bilang ng araw ng kanilang bakasyon.

“Mabigat din sa loob namin ang lumalalang krisis sa pagkatuto dahil sa hindi sapat na pondo sa edukasyon. Kami at ang mga bata ang direktang apektado sa kakulangan sa silid-aralan, mga pasilidad, mga guro, kagamitan sa pagtuturo at pagkatuto, at maging sa education support personnel,” dagdag ni Bernardo.

Anang mga guro, malaki ang pananagutan ng rehimeng Marcos at ni Sara Duterte, kalihim ng Department of Education (DepEd), sa mga kabiguan at kakulangang ito. Anila, imbes na pondohan at gastusan ang walang katuturang charter-change, dapat ilaan na lamang ang pera ng taumbayan sa pagtataas ng sweldo at mga benepisyo para sa guro.

Kasalukuyan ding nakikipagnegosasyon ang ACT NCR Union sa DepEd NCR para sa kanilang Collective Negotiating Agreement (CNA). Iginigiit ng unyon sa negosasyon ang mga benepisyo sa kalusugan, mga pasilidad sa eskwelahan at iba pa. Ang ACT NCR Union ang Sole and Exclusive Negotiating Agent o natatanging kinatawan ng mga guro sa buong NCR sa pakikipagnegosasyon para sa kanilang mga karapatan at benepisyo.

Samantala, inihain ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at ng Makabayan Bloc sa House of Representatives noong Pebrero 13 ang panukalang batas na naglalayong taasan ang sahod ng mga guro tungong ₱50,000.

AB: Mga unyon ng guro sa National Capital Region, kumilos para sa dagdag-sweldo