Modus na "tanim-baril" ng 14th IB, inilantad ng BHB-Leyte Island
Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang pahayag ng 14th IB at 802nd IBde na nakumpiska ng mga ito ang isang riple, mga bala at kagamitang militar ng BHB noong Oktubre 15 sa Barangay Caraye, Javier, Leyte. Ayon sa hukbong bayan, wala itong katotohanan. Ang totoo, ang hukbong bayanang nakabigwas sa tropa ng 14th IB na nag-ooperasyon sa lugar sa araw na iyon.
Sa lapit na limang metro, pinaputukan ng isang yunit ng BHB-Leyte Island kung saaan marami ang naitalang kasawlti sa mga berdugong sundalo ng rehimeng Marcos. Naunang nakapaglabas ng pahayag ang yunit ng BHB bago sinundan ng kasinungalingan ng 14th IB at 802nd IBde.
“Tanim-baril pa more. Una, 24 oras na hindi iniulat ng pasistang militar na nadepensiba sila sa BHB. Nang mabalita ang kanilang pagkatalo, nagpalabas sila ng pekeng impormasyon na nakaiwan daw ng baril ang BHB,” pahayag ni Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte Island.
Dagdag niya, “nag-abala pa silang kumuha ng litrato ng isang lumang riple at ng mga kagamitan. Lalo lang silang lumabas na desperado at katawa-tawa.”
Samantala, pataksil at duwag na gumanti ang 14th IB sa mamamayan ng Barangay Caraye kasunod ng kanilang pagkatalo. Ipinailalim nito ang barangay sa hamlet at mga paghihipit at mapanupil na mga patakaran. “Ito mismo ang dahilan kung bakit patuloy na magpupunyagi ang BHB. Ang pagpapahirap ng militar sa masa ang nagbibigay sa kanila ng dahilan na lumahok sa digmang bayan,” tugon dito ni Ka Dodong.
Liban sa Javier, maraming mga bayan sa Leyte ang ipinaiilalim ng 14th IB at 802nd IBde sa focused and sustained military operations (FSMO) na lubhang nagpapahirap sa masang magsasaka at mga residente sa mga komunidad. Mula Agosto 15, nakapataw ang paghaharing militar sa MacArthur, Abuyog, Mahaplag, Baybay, Albuera, Ormoc, at Burauen sa Leyte, at sa katabing Sogod sa Southern Leyte.
Sa mga komunidad, ipinatatawag ng pasistang sundalo ang masa sa mga asembliya upang pagbantaan na kung magbigay sila ng kahit kapiranggot na asin o bigas sa BHB ay ipakukulong sila habambuhay. Sapilitan ring pinasusuko ang mga baril na ginagamit ng taumbaryo sa pangangaso at paghahanapbuhay.
Nagpapatuloy ang mga FSMO ng militar sa kabila ng dekalrasyon nito sa 17 bayan at syudad ng Leyte at pito naman sa Southern Leyte bilang nasa kategoryang Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC) o insurgency-free.