Moratoryum sa pagtataas ng matrikula, giit ng mga konseho at organisasyon
Nagtungo sa upisina ng Commission on Higher Education (CHEd) sa Quezon City ang mga lider-estudyante ng iba’t ibang pribadong unibersidad kahapon, Marso 10, para isumite ang isang dokumento na naglalaman ng kanilang pusisyon laban sa planong tuition and other fees increase (TOFI) sa kanilang mga paaralan. Sa huling tala ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), pumapalo sa 2% hanggang 10% ang tantos ng mungkahing pagtaas sa singil ng mga unibersidad para sa susunod na akademikong taon.
Ang isinumiteng dokumento, sa pangunguna ng NUSP kasama ang Kabataan Party-list, ay resulta ng masusing pag-aaral at konsultasyon sa mga estudyante anila. Mayroon itong apat na pangunahing punto: ang TOFI ay pahirap sa mga estudyante at kanilang pamilya; isa itong paglabag sa karapatan sa edukasyon; pinakikitid ang akses sa de-kalidad na edukasyon; at mayroon itong epekto sa panlipunan at ekonomikong kalagayan.
“Ginintuan ba ang diploma na milyones ang ilalabas ng kabataan para makuha? Anong klaseng karapatan ang nangangailangan magbuno ng mga milyones ang mga pamilyang Pilipino, ang mga estudyante at kabataan para lang makuha? Ang edukasyon ay karapatan, hindi commodity,” pahayag ni Atty. Renee Co, tagapagsalita ng Kabataan Party-list.
Taun-taon tuwing Pebrero, tumatanggap ang Commission on Higher Education (CHEd) ng mga petisyon para sa panukalang TOFI. Ang “karapatan” na ito para magtaas ng singil ay alinsunod sa CHEd Memorandum Order No. 03 Series of 2012.
Ilan sa mga nagpanukala ng pagtaas ang University of the East (5% TOFI), De La Salle University (3%), University of Santo Tomas, Ateneo de Manila University (6%), Adamson University (5%) at iba pang mga unibersidad sa Metro Manila. Sa Saint Louis University sa Baguio City na unang ipinanukala ang 9% pagtaas, natulak ng pagkilos ng mga estudyante na ibaba ito sa 6.25%.
Sa Holy Angel University sa Pampanga, nagbabadya ang 3.5% pagtaas. Sa sarbey ng pahayagang The Angelite, tatlo sa bawat apat na estudyante ang hindi sang-ayon sa anumang TOFI para sa susunod na taon, at mahigit 60 porsyento ang may posibilidad na tumigil sa pag-aaral dahil sa TOFI. Pangatlong dagdag singil na ito sa loob ng tatlong taon kung mapahihintulutan.
Dahil sa pagkilos sa CHEd, hinarap at nakipagdayalogo si CHED Chairman Prospero De Vera kay Iya Trinidad, presidente ng NUSP. Inihayag ni De Vera sa pulong ang pangakong isasali ang NUSP sa National Technical Working Group on Tuition ng ahensya.
Sa kabila nito, idiniin ng mga lider-estudyante na hindi pa tapos ang kanilang laban. Nananatiling determinado ang NUSP sa panawagang ihinto at magpataw ng moratoryum sa lahat ng pagtataas ng matrikula at ibang mga bayarin sa mga unibersidad sa buong bansa. Panawagan rin nilang ibasura ang ibang mga napakamamahal na bayarin sa mga paaralan.