Mungkahing EDCA site sa Surigao del Norte, pinalagan ng Bayan Muna
Tinutulan ng Bayan Muna Party-list ang panibagong pagtutulak ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na magkaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa kanyang prubinsya. Ayon kay Atty. Carlos Isagani Zarate, tubong-Mindanao na ikalawang nominado ng Bayan Muna, magkakaroon ng pangmatagalang masamang epekto sa soberanya, kapayapaan, at kaunlaran ng bansa ang planong ito.
“Binabakbak ng mga EDCA site ang soberanya ng bansa. Ang presensya ng dayuhang tropa at pasilidad ay posibleng magpatindi sa mga tensyon sa rehiyon at hilahin ang Pilipinas sa mga sigalot na hindi naman sa atin,” ayon kay Atty. Zarate. Pinatutungkulan ng dating mambabatas ang inuupatang sigalot ng imperyalistang US kontra sa katunggaling imperyalistang China.
Muling itinulak ni Rep. Barbers ang naturang mungkahi noong Enero 2 kasunod ng pagkakadiskubre ng isang sinasabing “submarine drone ng China” siyam na kilometro ang layo sa bayan ng San Pascual, Masbate noong Disyembre 30, 2024. Aniya, kailangan ito sa kanyang prubinsya dahil “bulnerable ang silangang bahagi ng bansa sa mga ismagler at dayuhang panghihimasok.”
Ayon kay Rep. Barbers, matagal na silang nananawagan ng kanyang kapatid na gubernador ng prubinsya na si Gov. Lyndon Barbers para sa EDCA site. Pang-aalarma pa ng kongresista, “hindi malayong matagal nang nagsasagawa ng malalimang pangnagalap ng paniktik ang China sa loob ng katubigan ng Pilipinas.”
Malinaw na tugon dito ni Atty. Zarate, “ang kailangan ng Mindanao ay tunay na kaunlaran, hindi banta ng militarisasyon.” Wala pa man ang EDCA sa bahagi iyon ng Mindanao ay malaya nang nakapaglalayag ang mga barkong pandigma at kagamitang panggera ng US sa karagatan malapit doon. Dumaan ang mga ito sa Surigao Strait isang makipot na bahagi ng karagatan na nasa pagitan ng Leyte at Mindanao.
Noong huling linggo ng Disyembre 2024, naiulat ang paglalayag ng Nimitz-class aircraft carrier USS Carl Vinson (CVN 70) na may lulan na karagdagang anim na F-35C Lightning II aircraft na nakatalaga sa “Argonauts” ng Strike Fighter Squadron (VFA) 147, na bahagi ng Carrier Air Wing 5. Kasamay ng CVN 70 ang iba pang barkong parte ng Carrier Strike Group One na USS William P. Lawrence(DDG 110), USS Sterett (DDG 104), at USS Princeton (CG 59). Tumigil pa ito para “mag-Pasko” sa Balabac Strait sa may Palawan.
“Idinidiin ng mga ito ang pangangailangan ng isang matatag at nagsasariling estratehiya sa depensa, na hindi sumasalalay sa dayuhang mga kapangyarihan,” ayon kay Atty. Zarate. Itinutulak ng dating mambabatas ang pagpapalakas ng sariling kakayahan ng coast guard ng bansa, pagpapaunlad ng teknolohiya sa pagmamanman at pagtutulak ng diplomatikong mga solusyon sa mga sigalot at tensyon sa rehiyon.
Nanawagan siya sa mga kapwa Mindanaon at Pilipino na maging mapagbantay at ipagtanggol ang ating soberanya. “Magsikap tayo para sa isang tunay na nagsasariling patakarang panlabas na inuuna ang interes ng mga Pilipino kaysa ang adyenda ng dayuhan,” pagtatapos niya.
Sa kasalukuyan, mayroong siyam na deklaradong “EDCA site” ng US sa Pilipinas. Naunang inaprubahan ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) ang limang base noong Marso 19, 2016. Kabilang sa mga ito ang Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airport sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Dinagdagan ng MDB-SEB ang mga “EDCA site” noong Pebrero 2023 sa ngalan ng “paghahanda” sa “banta ng China.” Ang mga ito ay ang Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan. Samantala, mayroong iba pang base militar ng US na hindi inaamin sa publiko.