Myembro ng Innabuyog-Gabriela, ginigipit ng pulis sa Kalinga
Mariing kinundena ng Innabuyog-Gabriela ang iligal na pagpasok at paghalughog ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP)-Kalinga sa bahay ni Elma Awingan-Tuazon sa barangay Cawagayan, Pinukpuk, Kalinga noong Nobyembre 30. Pinamunuan ng isang PCOL Gilbert Fati-ig ang panggigipit.
Si Awingan-Tuazon ay bahagi ng tribo ng Limos sa Kalinga. Aktibo siya sa pagkundena sa Saltam Dam Projects ng JBD Water Power Inc, kumpanyang nakabase Australia. Tagapag-ugnay siya sa Justice and Peace Advocates of Kalinga at Sumkad ti Umili para iti Matagoan, Karbengan, Aglawlaw, Daga ken Dayaw (SUMKADD). Mula 2010-2019, nagsilbi siya bilang konsehal sa bayan ng Pinukpuk.
Sa ulat ng mga kaanak ni Awingan-Tuazon, alas-4 ng hapon ay sumugod ang 20 pulis ng PNP-Kalinga sa kanyang bahay. Pito sa mga ito ang nakasuot ng bonet.
Ayon sa mga pulis, sinugod nila ang bahay dahil nakakuha sila ng impormasyon na mayroong sugatang mymebro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kinakanlong sa bahay. Basta-basta nilang pinasok at hinalughog ang bahay nang wala si Awingan-Tuazon at kanyang mga anak.
Samantala, kasabay ng pangyayaring ito ay iniulat ni Awingan-Tuazon na mayroong sumusunod at nagmamanman sa kanya habang nasa isang bangko. Nang makauwi kasama ang kanyang anak, nagulat na lamang siya sa nakagigimbal na presensya ng pulis at komosyon sa kanyang bahay.
Nagdulot ang serye ng insidente ng labis na takot kay Awingan-Tuazon at kanyang mga anak. Nag-aalala ang mga kaanak ng biktima sa kalagayan niya at kanyang anak laluna at mayroon silang sakit sa puso.
Ayon sa Innabuyog-Gabriela, simula nang nagkaroon ng engkwentro ang 103rd IB at BHB sa Pinukpuk, Kalinga noong Nobyembre 21 ay naging target si Awingan-Tuazon at kanyang pamilya ng tuluy-tuloy na pananakot, pagmamanman at panggigipit mula sa mga pwersa ng estado.
Nagpahayag naman ng galit sa social media ang kanyang asawa na si Chester Tuazon, isang migrante, sa pamamagitan ng isang bidyo.
“Hinaharas nyo ang pamilya ko…ang dahilan kung bakit ninyo hinaharas ang pamilya ko ay dahil sila ay tumitindig laban sa katiwalian sa Pilipinas! Sa halip na habulin nyo ang mga korap, ang Pinukpuk police at tauhan ng intelligence ay tinatarget ang pamilya ko na naglalantad lang ng korapsyon. Mga wala kayong hiya!” pahayag ni Tuazon sa bidyo.
Nanawagan ang Innabuyog-Gabriela na kagyat na itigil ng PNP at AFP ang panggigipit, pagbabanta at pang-aatake nito kay Awingan-Tuazon at kanyang pamilya, at sa lahat ng nagtatanggol sa karapatang-tao. Dapat din maglunsad ng imbestigasyon ang mga kinauukulan at mapanagot ang responsable sa pagpasok sa bahay ni Awingan-Tuazon, ayon sa grupo.