Balita

Nagpapatuloy na pagkakwari sa Romblon, ipinatitigil

,

Mahigpit na binatikos ng Free Romblon 4 Network ang nagpapatuloay na operasyong pagkukwari sa Sibuyan Island, Romblon. Ito ay matapos mapabalita na nag nagpapatuloy ang mga operasyon ng isang kumpanya sa mina sa Barangay España, San Fernando na nagdudulot ng malubhang pagkasira ng kabundukan at ang pagkakalbo ng isang bahagi nito.

“Sa patuloy na dambuhalang operasyon ng mga kumpanya sa mina, malubhang napipinsala ng mga tailings (basura) at kemikal ang mga karatig na dalampasigan sa Sityo Bato,” ayon sa pahayag ng grupo. “Pinapatay nito ang mga lamang-dagat tulad ng mga isda. Sa Sityo Cantigas, pinangangambahan naman ang maaaring pagdumi at pagkatuyo ng Cantigas River na nagsisilbing patubig sa mga sakahan, at kilalang tourist destination.”

Noong Setyembre 22 lamang, mahigit isang libong Sibuyanon ang muling nagkaisa at nagtipon para sa isang protesta kontra-mina sa San Fernando. Bahagi ito ng nagpapatuloy na pagtutol ng mga residente ng isla laban sa mapangwasak na pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation na pag-aari ng pamilyang Gatchalian. Dumalo rito ang mga residente mula sa mga barangay ng Agtiwa, Mabini, Mabolo, España, Taclobo, Azagra, at Pili, pawang sa San Fernando.

Ang Free Romblon 4 Network ay kalipunan ng mga grupo at indibidwal na nananawagan para sa papalaya sa mga aktibistang tagtatanggol sa kalikasan na nakadetine ngayon sa Romblon. Inaresto ang mga aktibistang sina Teresa Dioquino at Marlon Torres, at ang dalawang mangingisda’t labor advocates na sina Benny Hilamon, at Nolan Ramos noong Hunyo 3, 2021 dahil sa kanilang pagtutol sa pagmimina sa Romblon.

Sinampahan sila ng paglabag sa noo’y protokol sa pagkakwarintina dahil sa pandemyang Covid-19. Sinampahan sila kalauna’y ng gawa-gawang kaso ng illegal possesion of firearms and exlposives. Hanggang ngayon, hindi pa rin sila malaya dahil sa kupad ng pagdinig sa kanilang kaso.

AB: Nagpapatuloy na pagkakwari sa Romblon, ipinatitigil