Balita

Namartir na 8 Pulang mandirigma sa Negros, pinarangalan

Pinarangalan ng Panrehiyong Kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang walong Pulang mandirigma na nabuwal sa magkasunod na engkwentro laban sa 15th at 47th IB noong Nobyembre 21-22 sa Barangay Gatuslao, Candoni, Negros Occidental. Namartir ang mga mandirigma sa kalagitnaan ng kanilang pagtatanggol sa masang Negrosanon laban sa pangangamkam ng lupa para sa plantasyong oil palm ng mga Araneta at Consuji.

Kinilala ng panrehiyong kumand ang pag-aalay ng buhay ng mga Pulang mandirigma na sina Ka Janine, Ka Fita, Ka Wani, Ka Nonoy, Ka Mark, Ka Wally, Ka Jacob at Ka Jogar. “Inialay nila ang pinakamataas na sakripisyo sa altar ng rebolusyon, sa pag-aalay ng kanilang buhay para ipagtanggol ang interes ng inaapi laban sa mga mersenaryo ng naghaharing uri,” pahayag ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island.

Ang Barangay Gatuslao ay kabilang sa mga barangay na sasaklawin ng ₱2-bilyong plantasyong oil palm ng Hacienda Asia Plantations Incorporated (HAPI). Kinakamkam ng HAPI, sosyohan ng Sirawai Plywood and Lumber Corporation ng pamilyang Consuji at ni Alfred Joseph Araneta, ang 6,652.32 ektaryang lupa sa bayan ng Candoni.

Itinuturing na forest land (kagubatan) ang lupain at ang 4,000 ektarya nito ay lupang ninuno ng katutubong Ati. Sa pakikipagsabwatan sa lokal na gubyerno ng Candoni, Department of Environment at Natural Resources (DENR) at National Commission of Indigenous Peoples (NCIP), naagaw ng mga Consunji ang naturang lupang pampubliko. Binigyan ng permiso ang kumpanya na gamitin ang lupa sa loob ng 25 taon at maaaring palawigin nang dagdag pang 25 taon.

Ayon kay Ka Maoche, ang pagdiriwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkapaslang ng mga mandirigma ng BHB ay nagpapatunay lamang ng kanilang pagiging mga bayarang sundalo ng mga Consunji at Araneta. “[Sila ang nagpapatupad] ng maruming hakbang at gumagawa ng krimen sa mga komunidad sa kanayunan,” ayon pa sa tagapagsalita.

Simula Setyembre, daan-daang pwersang militar ang ibunuhos upang ipailalim sa focused military operations (FMO) ang Candoni at katabing mga bayan. Nagtayo ang mga yunit ng militar ng arbitraryong mga tsekpoynt, nanggipit sa mga residente, at nagpatupad ng blokeyo sa pagkain, paghahamlet at iba pang katulad na mga paglabag sa karapatang-tao. Sangkot rin ang mga sundalo sa walang tigil na Red-tagging sa mga lehitimong organisasyon ng mga magbubukid at residente.

“Patunay ang walong martir na mga Pulang mandirigma sa paninindigan ng rebolusyon sa pagtatanggol sa mamamayan laban sa dayuhan at lokal na mandarambong,” dagdag ni Ka Maoche. Aniya, sa harap ng kanilang pagdadalamhati ay determinado silang kamtin ang hustisya sa pagkamartir ng walo. Dagdag pa niya, marami ang handang humalili at tumangan sa nabitiwang armas ng mga namartir.

AB: Namartir na 8 Pulang mandirigma sa Negros, pinarangalan