Namartir na Pulang kumander ng BHB ng Southern Tagalog, pinarangalan
Pinagpugayan ng rebolusyonaryong kilusan ng Rizal at buong Southern Tagalog ang Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na si Jordan Mopon (Ka Boyong/Ka SY) sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa mamamayang Pilipino. Namartir si Mopon sa edad na 40 sa isang labanan sa 73rd Division Reconnaissance Company (DRC) noong Oktubre 17 sa Sityo Balagbag, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan.
Si Mopon ay nagmula sa isang pamilyang magsasaka sa Antipolo City, Rizal. Tenante sa ilang parsela ng lupa ang kanyang ama at ang pagbubungkal nito ang pangunahing ikinabuhay ng kanilang pamilya. Maituturing na isang responsableng anak na masipag sa bukid at maaasahan ng kanyang mga magulang at kapatid si Mopon.
Pangatlo si Mopon sa anim na magkakapatid at pagkagradweyt ng elementarya ay naging pangunahing katuwang na ng kanyang mga magulang sa pagsasaka ng kanilang palayan. Bata pa lamang, kinakitaan na siya ng pagiging lider hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanilang lugar. Nahalal siya at naging kagawad ng Sangguniang Kabataan sa kanyang panahon.
Sa murang edad, namulat siya sa kabulukan ng lipunan at nagagap ang pagkamakatarungan ng pagrerebolusyon. Sa edad na 16, nagpultaym siya at napabilang sa grupong pang-organisa sa hanay ng mga magsasaka. Pagtuntong sa rekisitong edad na 18 noong 2003, kaagad siyang sumapi sa BHB-Rizal.
Mahusay na kumander at kadre
Sa panahon ng kanyang pagkamatay, nagsisilbing punong kumander si Mopon ng BHB-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) at kumander ng hukbong bayan sa subrehiyon. Isa rin siya sa mga kagawad ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB sa Southern Tagalog (Melito Glor Command). Bilang Partidista, tumangan siya noon ng pusisyon bilang pangalawang kalihim ng Komite ng Partido sa teatrong gerilya sa Rizal-Laguna-North Quezon at nagsisilbi ring kagawad ng Komiteng Rehiyon.
Maraming napamunuang matatagumpay na aksyong militar si Mopon. Pinangunahan niya ang mapangahas na mga kampanya laban sa Retooled Community Support Program at Focused Military Operations ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines at pagtatanggol sa masang magsasaka at kalikasan.
Kabilang sa mga pinangunahan niya ang walang-putok na reyd ng BHB laban sa Monte Rock Corporation sa Barangay Patiis, San Mateo, Rizal noong Agosto 12, 2018 kung saan tinatayang ₱100 milyon ang halaga ng napinsala sa mapangwasak na kumpanyang kwari. Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog, isang sa pinakakahanga-hangang kakayahan ni Mopon ang pagtatranspoma ng mga aksyong militar mula depensiba tungong opensiba.
“Siya ang tipo ng kumander na kapag may kaaway, anuman ang aktibidad ng yunit, ang kaagad niyang sigaw ay ‘pwesto, lalabanan natin yan!” ayon kay Ka Cleo. Katangian din umano ni Mopon bilang mandirigma at kumander ang mataas na pagmamatyag pero kalmado sa panahon ng labanan at maging sa mga atrasan para mapanatag pero hindi kampante ang yunit na kanyang pinamumunuan.
“Mataas ang respeto at pagkilala sa kanya ng mga mandirigma at tulad niya, dala nila sa kanilang mga gawain ang tapang at kapangahasan na nagmula sa kanilang kolektibong pamumuhay at masiglang team work sa aktwal na pagtupad sa mga gawain ng Hukbo at Partido,” dagdag ni Ka Cleo.
Ayon naman sa Komiteng Rehiyon ng Partido, komprehensibo ang kakayahan ni Mopon bilang kadre ng Partido, hindi lamang sa gawaing militar kundi maging sa gawaing masa. “Kahit mababang antas ng inabot sa burges na paaralan, kinakaya at nagtitiyaga siyang mag-aral ng mga sulatin ng Partido at Marxismo-Leninismo-Maoismo at nagsisikap na maibahagi at maituro ito sa mga kasama at masa,” ayon sa komite.
“May liderato siya sa tropa at kinikilala ng mga kasama bilang kanilang pinuno at gabay. Iginagalang din siya ng masa at mga alyado,” pahayag ng komite. Kitang-kita umano kay Mopon ang pagiging aktibo sa mga pulong ng komite hanggang sa pagpapatupad ng plano nito at sa arawang latag ng gawain ng platun. Dagdag dito, kritikal din si Mopon sa pagtukoy sa mga pagbara at pagbagal sa pag-usad ng arawang gawain.
“Hanggang sa kanyang huling hininga, pinatunayan niya ang kanyang katapatan sa dakilang rebolusyonaryong simulaing niyakap, inangkin at pinaglaanan niya ng kanyang galing, talino, pawis at dugo. Sa kanyang pagkabuwal, aalingawngaw ang sigaw ng masang magsasaka, setler, katutubong Dumagat at Remontado at lahat ng mamamayan para sa katarungan,” ayon sa Komiteng Rehiyon.
Pasismo ng AFP hanggang sa huli
Si Mopon ay inilibing noong Oktubre 23 sa kanyang kinalakhang prubinsya ng Rizal. Hanggang sa huling pagkakataon, walang ipinakitang paggalang ang 80th IB at rehimeng Marcos sa nagdadalamhating pamilya ni Mopon. Dumanas ang pamilya ng patung-patong na panggigipit at paglabag sa kanilang karapatan mula sa 80th IB.
Mula sa pagkuha ng bangkay ay pinipilit ng dating Battalion Commander ng 80th IB na si Lt. Col Mark Anthony U. Ruby ang pamilya na sa kanila sumama at huwag sa paralegal ng Karapatan para ituro nila kung nasaan ang bangkay. Dahil hindi pumayag ang pamilya, hindi ito itinuro ng 80th at naghanap sa mga punerarya ang pamilya at mga grupo sa karapatang-tao.
Sa hirap na dinanas ng pamilya at sa pighating kanilang nararamdaman at pamimilit ng mga sundalo, natulak rin ang pamilya na pumayag kalaunan sa kundisyon ng militar para matunton ang bangkay. Nang makita ng pamilya ang bangkay, umaalingasaw na ang amoy nito at lumobo na rin ang katawan dahil sa pagpapabaya ng AFP at hinayang halos mabulok bago ibaba mula sa bundok.
Dahil dito, malaki ang duda ng pamilya na pinahirapan muna si Mopon bago pinaslang. Sa ilang saglit na nasilayan ng isang kaanak at paralegal ay nakita nilang putol ang kamay nito at may mga pasa sa katawan. Dahil sa ginawang pagsalaula sa bangkay, hindi na magawang buksan ang kanyang kabaong sa burol.
Sa mismong burol, nakaranas ng panggigipit ang pamilya, ang mga grupo sa karapatang-tao at ang buong komunidad. Hindi bababa sa 50 na mga sundalo na naka-full battle gear ang nasa umaligid sa burol at ang iba ay nakakalat sa buong sityo. Walang pasintabing kumukuha ng mga litrato ang mga ahenteng paniktik at mga sundalo sa kanilang mga bisita at nagtayo pa ng tsekpoynt malapit sa burol. Pinresyur ang pamilya para tanggalin ang tarpolin na nagpapahayag ng pagpupugay kay Mopon.
Hindi rin pinalampas sa 80th IB ang mismong libing ni Jordan. Walang pakundangan binastos ng mga sundalo ang pagluluksa ng pamilya. Hinablot ng mga ahente ng militar ang mga gamit ng alaala ni Mopon at ang bandila ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan na isasama sa loob ng kabaong.
Hindi na rin nagawang nakapagprograma ang pamilya para sa kanilang mahal sa buhay dahil mahigpit na binantayan ng mga sundalo ang kanilang bawat galaw. “Kahit sa huling pagluluksa ng pamilya ay hindi man lang nakuhang magpakitang-tao ng mga pusakal na 80th IBPA, hindi na nakapagkubli pa, lumabas ang kanilang tunay na kulay, at naalisan ng maskara ang pagpapanggap nila ng pagbabait-baitan sa pamilya”, ayon kay Ka Arman “Arms” Guerrero, tagapagsalita ng National Democratic Front-Rizal.
Sa harap ng pasistang panunupil ng AFP, hindi napigilan ang pagpupugay at pagpaparangal ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Rizal at Southern Tagalog sa minamahal nilang Pulang kumander at kadre ng Partido. Ayon sa NDF-Rizal, makakaasa si Mopon na ipagpaptuloy nila ang pakikibaka na pinag-alayan ng kanyang kaisa-isang buhay at kakamtin nito ang hustisya.