Balita

Namartir na Pulang mandirigma na dating lider-masa sa Panay, kinilala

Kinilala ngayong araw ng Bayan-Panay at Panay Alliance Karapatan ang kadakilaan ni Aurelio “Boy” Bosque, nasawing Pulang mandirigma noong Agosto 8 sa Brgy. Aglonok, Calinog, Iloilo. Si Bosque ay isa sa limang mandirigmang pinatay ng pinagsanib na pwersa ng 12th, 61st at 82nd IB.

Ang lima, na tinaguriang Aglonok 5, ay tinatayang nadakip, brutal na pinahirapan bago sadyang pinatay ng mga sundalo. Ayon sa Bayan-Panay at Panay Alliance Karapatan, bakas sa kanilang mga bangkay ang mga saksak, bugbog at durog na mga braso, malinaw na mga palatandaan ng matinding tortyur. May mga tama sila ng bala sa harap ng kanilang mga katawan. Taliwas ito sa pinalalabas ng militar na napatay sa engkwentro ang lima.

“Kinukundena ng BAYAN at Karapatan Panay ang brutal at di makatarungang pagpatay sa Aglonok 5, na lumalabas na pinatay habang wala nang kakayahang lumaban.” Panawagan nila ang independyenteng imbestigasyon ng Commission on Human Rights, gayundin ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Lider ng mga manggagawa at masa ng Panay

Bago naging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), nagsilbing tagapagsalitang Bayan-Panay si Bosque noong panahon ng rehimeng Arroyo. Namulat siya sa pakikibaka ng mga manggagawa sa tubuhan sa Calinog at naging tagapagtanggol ng mga manggagawa dito. Dati siyang organisador ng Kilusang Mayo Uno.

“Ang pagpili ni Boy ng ibang landas ay isang personal na desisyon na sumalamin sa kanyang komitment sa mas malawak na papel sa pagsisilbi sa bayan,” pahayag ng Bayan-Panay. “Ginagalang at sinasaluduhan ng Bayan ang kanyan lubos na sakripisyo para sa hangarin ng anakpawis.”

Anito, batid ni Bosque ang mga limitasyon ng mga unyon sa paggawa sa pagkamit ng sustantibong mga tagumpay, tuld ng sapat na sahod para mabuhay ang pamilya. Sa nakaraang ilang dekada, ang aping kalagayan ng mga magsasaka, malawakang pagpapalit-gamit sa lupa, gutom at laganap na paglabag sa karapatang-tao ay lalo pang lumalala.

“Batid din ni Boy ang masasamang epekto ng pangangayupapa ng gubyernong ito sa mga imperyalistang bansa, partikular sa US, na nasasalamin sa mga patakarang neoliberal, mapanupil na mga batas, at direktang interbensyon ng US sa mga usapin sa West Philippine Sea,” ayon sa grupo.

Kinilala nila na hindi mapapawi ang nagaganap na armadong tunggalian dahil nakaugat ito sa mapang-api at mapagsamantalang kalagayan ng lipunan.

“Ang kamatayan ng mga rebolusyonaryong tulad ni Boy Bosque ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng rebolusyon,” ayon sa Bayan-Panay.”Hanggang may inhustisya, kahirapan at pang-aapi, hindi mawawala ang pagnanais para sa isang mas mabuting kinabukasan.”

AB: Namartir na Pulang mandirigma na dating lider-masa sa Panay, kinilala