Nanatiling mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Setyembre
“Patuloy pa ring tumaas ang mga presyo sa mas mabagal na tantos nga lang,” paglilinaw ng Ibon Foundation kaugnay sa ipinagmayabang ng rehimeng Marcos na pagbaba ng implasyon at disempleyo noong Setyembre. Mula 3.3% noong Agosto, humina diumano ang implasyon tungong 1.9 noong Setyembre.
Tumaas pa rin ang presyo ng bigas nang ₱3-₱4/kilo. Mas komun pa rin sa mga palengke ang mga klase ng bigas na P50/kilo pataas kaysa sa sinasabing P43-P46/kilo na sinasabi ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Marcos. Tumaas din nang hanggang ₱12/kilo ang presyo ng mga gulay at karne.
“Ang pagbagal ng implasyon ay mas dahil pa sa pagbaba ng presyo ng langis at paghina ng dolyar kaysa sa anumang pundamental na pagbabago para gawing mas mura ang produksyon ng lokal na mga bilihin at serbisyo,” ayon sa grupo.
Bulnerable ang ekonomya ng Pilipinas na nakaasa sa importasyon sa pabagu-bago ng mga presyo ng mga import tulad ng langis, anito. Ang presyo halimbawa ng krudo sa pandaigdigang merkado ay bumaba na nang $10/bariles, mula $90/bariles tungong $80/bariles mula simula ng taon. Sa parehong pagkakataon, lumakas ang palitan ng piso kontra sa dolyar.
Tulad sa nakaraan, pinakatinatamaan pa rin ng nagpapatuloy na mataas na implasyon ang 30% pinakamahihirap na mga pamilyang Pilipino. Noong Setyembre, ininda nila ang 2.5% tantos ng implasyon, halos doble sa pambansang abereyds.
Samantala, iilang rehiyon pa lamang ang nagtaas ng minimun na sahod. Tanging ang mga regional wage board pa lamang sa NCR (₱35), Calabarzon (₱21-₱75) at Central Visayas (₱33-₱43) ang nagbigay ng kakarampot na dagdag.
Sa taya ng Ibon, ₱448/araw ang abereyds na natatanggap na sahod ng mga manggagawa para sa Setyembre. Kulang ito nang 63.1% sa dapat na ₱1,213 arawang minimum na sahod ng isang manggagawa para mabuhay nang disente ang karaniwang lima-kataong pamilya.