Napakatagal na pagtatasa ng DENR sa epekto ng reklamasyon sa Manila Bay, binatikos ng mga mangingisda
Nagprotesta ang mga mangingisda sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa harap ng upisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Enero 20 para batikusin ang ahensya sa napakatagal na resulta ng pagtatasa sa kabuuang epekto ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Giit nilang kaagad nang ilabas ng ahensya ang buong ulat para maging batayan ng agarang pagpapatigil sa mga proyektong reklamasyon at seabed quarrying sa Manila Bay.
“Ano pa ang itinatagal ng pag-aaral ng DENR samantalang matagal nang napatunayan ng maraming eksperto at mga mangingisda ang mapaminsalang epekto ng reklamasyon sa kalikasan at kabuhayan?” pahayag ni Salvador France, pangkalahatang kalihim ng Pamalakaya, sa protesta.
Noong Agosto 2023 kinumisyon ng DENR ang University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) para magsagawa ng komprehensibong pag-aaral sa Manila Bay. Anang Pamalakaya, napakatagal na mula nang sinimulan ito ngunit hindi pa rin inilalabas ng DENR ang mga resulta ng pag-aaral.
Samantala, nagpahayag ang Pamalakaya ng buong tiwala nito sa mga eksperto ng UP MSI na ang kanilang makukuha at ilalabas na resulta ay susuporta sa panawagan ng mga mangingisda na ipatigil ang mga reklamasyon at dredging.
“Mataas ang tiwala namin sa UP MSI na hindi nila bibiguin ang mga mangingisda at ang kalikasan. Higit sa lahat, hindi nila hahayaang maging instrumento sila para magtuloy ang mga mapandambong na proyekto ng malalaking negosyo,” dagdag ni France.
Itinaon ng mga mangingisda ang kanilang pagkilos sa DENR sa ika-6 na anibersaryo ng “programang rehabilitasyon” ng gubyerno sa Manila Bay na inilunsad noong 2019. Simula pa man ng pag-arangkada ng “rehabilitasyon” tinawag na ito ng Pamalakaya at mga mangingisda na isang kapalpakan.
“Anim na taon na ang programang rehabilitasyon ng pamahalaan sa Manila Bay subalit wala pa ring signipikanteng resulta. Bagsak pa rin ang kita ng mga mangingisda dahil sa pagkaubos ng mga isda at kanilang panirahan. Walang ibang dahilan ito kundi ang mga mapanirang proyekto sa Manila Bay na hindi naman talaga tuluyang ipinatigil ng pamahalaan,” pahayag ni France.
Patuloy na igigiit ng mga mangingisda ang tunay na rehabilitasyon ng Manila Bay na nakabatay sa pagpapanumbalik ng sigla nito bilang pook-pangisdaan at hindi para sa malalaking negosyo. Liban dito, panawagan ng Pamalakaya ang pagpapanagot sa mga kumpanyang nagsagawa na ng pagtatambak at pagsira sa Manila Bay.
Isa ang Pamalakaya sa mga nagsampa ng petisyon para sa Writ of Kalikasan at Continuing Mandamus laban sa lahat ng mga reklamasyon at seabed quarrying sa Manila Bay.