Nasaan napunta ang badyet para sa pagpigil ng baha?

,

Ito ang tanong ng mga residente ng Metro Manila matapos muling lumubog sa baha ang maraming lugar sa rehiyon dulot ng Bagyong Carina. Sa huling mga ulat, binaha ang mayor na mga lansangan tulad ng EDSA, C5, España at Ortigas. Nag-ulat din ng pagbaha sa maraming lugar sa Pasay, Manila, Quezon City, Caloocan, Mandaluyong at Paranaque. Dahil dito, kinailangang isuspinde ang pasok sa mga upisina ng gubyerno at paaralan sa lahat ng antas sa rehiyon.

Labas sa Metro Manila, matindi rin ang baha sa Cagayan Valley kung saan inabot ng tubig kahit ang mga tulay. Sa Pampanga, 36 baryo sa limang bayan ang binaha. Mataas rin ang tubig sa mga bayan sa baybay ng Bulacan. May mga pagbaha rin sa Pampanga, Zambales, Bagiuo City, Cavite City at sa prubinsya ng Quezon.

“Anong silbi ng malalaking budget ng gubyerno sa mga flood control projects kung ganitong binabaha kami sa bahay?” bwelta ni Rep. Arlene Brosas sa X (dating Twitter). Kasabay sa kanyang post ang badyet ng upisina ng kalihim ng Department of Public Works and Highways kung saan nakasaad ang pondong inilaan para sa “capital outlay” ng “floodway projects” para sa 2024 na nagkakahalaga ng ₱244.6 bilyon. Sangkapat ito sa buong badyet ng kagawaran na umaabot sa ₱1 trilyon.

Mahigit isang bilyon (₱1.3 bilyon) ng badyet para sa “flood control” ay inilaan para sa “flood control initiatives” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa 2024. Noong 2023, binigyan na ang MMDA ng ₱1.9 bilyon para sa gayong mga proyekto.

Ang badyet para sa mga proyektong kontra-baha ay mas malaki sa capital outlay ng ibang mahahalagang proyektong imprastruktura. Kumpara rito, napakalayo ang inilaan ng estado para sa capital outlay ng Department of Agriculture (DA) na nasa ₱40.13 bilyon lamang at Department of Health na nasa ₱24.57 bilyon.

Mas malaki ito kahit ikumpara sa badyet para sa sistemang irigasyon na nasa ₱32 bilyon at kahit sa grandyosong proyekto ng sistemang riles (₱100 bilyon).

Dagdag sa badyet ng DPWH para sa pagpigil na baha, hiwalay pang naglaan ang Deparment of Budget and Management ng ₱545 bilyon para diumano sa “climate change mitigation.” Saklaw ng badyet na ito ang paghahanda para sa mga sakuna, pagtatayo ng mga “climate-resilient” na imprastruktura at “climate-friendly” na sistema sa transportasyon. Noong 2023, naglaan na rin ng ₱454 bilyon para sa gayong mga “paghahanda.”

AB: Nasaan napunta ang badyet para sa pagpigil ng baha?