Mahigpit na kontrol sa ₱50-bilyon Maharlika Investment Fund, tiniyak ni Marcos

,

Lalong pinahigpit ni Ferdinand Marcos Jr ang personal niyang pagkontrol sa ₱50-bilyong Maharlika Investment Fund sa pamamagitan ng bagong bersyon ng mga alituntunin nito na inilabas noong Nobyembre 12. Maaalalang pansamantalang “isinuspinde” ang pagbubuo ng MIF noong Oktubre 12 matapos di nasiyahan si Marcos sa unang bersyon ng implementing rules and regulations (IRR) nito.

Sa bagong bersyon na IRR, dalawa ang ipinasok ni Marcos: 1) paglawak ng kanyang awtoridad na pumili ng itatalaga sa Maharlika Investment Board (MIB), ang kunwa’y independyenteng komite na mamamahala sa pondo; at 2) pagpapababa sa mga kwalipikasyong akademiko at karanasan sa negosyo ng ihihirang na president and chief executive officer (PCEO) nito.

Alinsunod sa batas, magkakaroon ng siyam na myembro ang Maharlika Investment Corporation (MIC), ang korporasyong mamamahala sa ₱50-bilyong pondong pampubliko. Uupo dito ang itatalaga ng presidente na PCEO, ang kalihim sa pinansya bilang chairperson, mga CEO ng Land Bank at Development Bank of the Philippines, dalawang regular na direktor at tatlong independyenteng direktor.

“Pinalalakas ng bagong IRR ang kontrol ni Ferdinand Marcos Jr sa Maharlika corporation nang bigyan nito ang presidente ng dagdag na kapangyarihan para pumili ng kaibigan niya para maging mga myembro sa Board of Directors nito, gayundin ang pagpasok ng kanyang mga kaibigang negosyante,” pahayag ng Bayan Muna noong nakaraang linggo.

Mas malala, anito, may mga probisyon ang bagong IRR kung saan nakasaad na maaari itong kumuha ng dagdag na pondo sa mga pampublikong kumpanya, hangga’t may batas para rito o itatakda ito ng “kinauukulang organo.” Ibinubukas nito ang mga pondo ng ibang mga ahensya sa MIF, kabilang ang pondo ng SSS at GSIS, na kunwa’y “ipinagbawal” sa kasalukuyang batas. “Syempre, laging pwedeng magpasa ng bagong batas sa hinaharap para pahintulutan ang SSS at GSIS na mag-ambag ng pondo sa Maharlika,” ayon pa sa grupo.

Gayundin, taliwas sa batas, ibinukas ni Marcos ang MIF sa kanyang mga pinaborang negosyante nang ipahintulot sa IRR ang pagpaloob sa pondo ng diumano’y mga “respetadong institusyong pinansyal (bangko) at korporasyon” na pawang pribado. Sa aktwal, inamyendahan nito ang batas na nagbuo ng MIF na nagsasaad na pawang pampublikong ahensya ang bubuo nito.

“Hindi maaring ilagay sa bagong IRR ang pagpasok ng mga pribadong korporasyon kung hindi ito nakasaad sa batas,” ayon sa Bayan Muna. “Hindi maaring magkaroon ng probisyon ang IRR sa isang bagay na lampas pa sa isinasaad sa batas.” Napalaking peligro nito, lalupa’t may awtoridad ang MIC na “patawarin” ang mga utang ng anumang negosyong kalahok sa MIC na nalugi o nagsara.

Isang araw matapos ilabas ang bagong IRR, hinirang ni Marcos bilang PCEO ng MIC si Rafael Consing Jr, na di pasado sa lumang IRR dahil wala itong sapat na kwalipikasyong akademiko. Dating nagsilbing mataas na upisyal si Consing sa kumpanya ni Enrique Razon, at matapos nito, sa kumpanya ng pamilyang Aboitiz—mga malalaking burgesyang komprador na pinapaboran ng dating rehimeng Duterte, at ngayon ng rehimeng Marcos. Si Consing ay pangatlong upisyal na ng pamilyang Aboitiz na itinalaga ni Marcos sa matataas na pwesto ng kanyang gubyerno.

Parehong aktibo ang mga kumpanya nina Razon at Aboitiz sa pagkopo ng mga proyektong imprastruktura na nakatakdang popondohan ng MIF. Noong nakaraang Marso, nagsumite ang Private Sector Advisory Council, na pinamunuan ni Sabin Aboitiz, dating amo ni Consing, ng listahan ng mga proyektong imprastruktura na “inirekomenda” ng pribadong sektor sa pangulo.

Bago italaga sa MIC, nagsilbing executive director ng Office of the Presidential Adviser for Investment & Economic Affairs si Consing.

AB: Mahigpit na kontrol sa ₱50-bilyon Maharlika Investment Fund, tiniyak ni Marcos