Balita

NDFP Negotiating Panel, nagpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ni Francisco Nemenzo Jr

,

Nagpaabot ng pakikiramay ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel sa pagpanaw ni Francisco “Dodong” Nemenzo, 89, noong Disyembre 19 dahil sa paghina ng katawan mula sa mga sakit. Si Nemenzo ay kilalang siyentistang panlipunan, mahusay na aktibista at dating pangulo ng University of the Philippines.

Ayon kay Ka Julie de Lima, tagapangulo ng NDFP Negotiating Panel, ang dedikasyon ni Nemenzo sa pagkakamit ng hustisyang panlipunan at pambansang paglaya ay nag-iwan ng hindi mabuburang marka sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. “Ang paglalakbay ni Dodong bilang isang intelekwal na Marxista at aktibista ay malalim na nakaugnay sa kasaysayan ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas,” ayon kay Ka Julie.

Ibinahagi niya na si Nemenzo ay inirekomenda at nirekrut ni Kasamang Jose Maria Sison, kanyang pumanaw na asawa, sa lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong dekada 1960 kung saan sila naging magkasama. Nahirang ang dalawa bilang pinakabatang mga kasapi ng probisyunal na komite sentral ng lumang Partido at kalaunan bilang bahagi ng Politburo.

“Ang pagtutulungan nila ay naging malaking tulong sa kritikal na panahon kung kailan itinatakwil ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang rebisyunistang pamumuno ng magkakapatid na Lava para muling itatag ang Partido,” pagbabahagi pa ni Ka Julie. Aniya, noong una ay pinili pa ni Nemenzo na manatili sa lumang Partido ngunit kalaunan ay bumaklas din nang nakita niyang wala na itong patutunguhan.

Labas sa kanyang buhay aktibista at paglahok sa rebolusyonaryong kilusan, malaki ang naging ambag ni Nemenzo bilang akademiko at edukador. Sa UP, nagsilbi siyang dekano ng College of Arts and Sciences (1976-1981); UP Faculty Regent (1987-1989); Chancellor of UP Visayas (1989-1992); at kalaunan ay naging pangulo ng unibersidad (1999-2005).

“Ang kanyang intelekwal na kahusayan, katapangan at dedikasyon ay nagbigay inspirasyon sa hindi na mabilang na indibidwal sa loob at lampas pa sa rebolusyonaryong kilusan,” ayon kay Ka Julie. Dagdag niya, habang ipinagluluksa ang pagkamatay ni Nemenzo ay marapat lamang na ipagdiwang din ang kanyang buhay at iniwang pamana. Umaasa si Ka Julie na patuloy na magbibigay inspirasyon ang alaala ni Nemenzo sa kasalukuyang pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya.

Si Nemenzo ay ipinanganak noong Pebrero 9, 1935, sa Cebu City. Naulila niya ang kanyang asawa at kapwa beteranong aktibistang si Ana Maria “Princess” Ronquillo, kanilang tatlong anak at mga apo.

AB: NDFP Negotiating Panel, nagpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ni Francisco Nemenzo Jr