Balita

OBR 2023: Bumangon para sa kalayaan!

Katambal ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, inilunsad ng Gabriela at Gabriela Women’s Party ang One Billion Rising Philippines sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, kahapon, Pebrero 11. Ika-10 taon na itong ginanap sa Pilipinas. Sa ilalim ng temang “Bumangon para sa kalayaan!” (Rise for Freedom), sumayaw at nagparada ang libu-libong kababaihan, kabataan at bata.

Nakisayaw ang meyor ng Quezon City na si Joy Belmonte, kasama sina District 1 Rep. Arjo Atayde, Caloocan City Vice Mayor Karina Teh, Gabriela Womens Partylist Rep. Arlene Brosas, at kinatawan ng iba’t ibang organisasyon.

Sa talumpati ni Belmonte, ibinahagi niya ang mga programa na ipinatupad sa Quezon City para lalong mabigyang proteksyon at mapangalagaan ang mga karapatan ng mga kababaihan, kabataan at mga myembro ng LGBT.

“Naninindigan kami para sa kalayaan laban sa karahasan—isang Pilipinas at mundong malaya sa pagkamuhi sa kababaihan, bakla, transgender, at panghaharas, panggagahasa, at lahat ng uri ng karahasan laban sa kababaihan, bata, at komunidad ng LGBTQIA+,” pahayag naman ng Gabriela.

“Bumangon tayo para sa kalayaan mula sa lumang kultura at sa pagsilang ng bago—isang kultura hindi ng kawalang-katarungan at pang-aapi, kundi isang kultura kung saan namamayani ang pag-asa, pag-ibig, pagkalinga, pagdadamayan, at pagkakapantay-pantay,” dagdag pa nito.

Nagkaroon din ng parada at sayawang OBR sa Olandes, Barangay. IVC, Marikina City sa pangunguna ng Salinlahi Youth, Children’s Collective, Young Marikina Artists Collective at Olandes Lesbian and Gay Association noong Pebrero 4. Bago nito ay nagdaos ang grupo ng Educational Discussion Festival na may temang “Matuto’t Maglaro sa Kwela Eskwela” na dinaluhan ng mahigit 100 na mga kalahok mula sa iba’t ibang komunidad sa Marikina, Pasig at Quezon City.

Ang One Billion Rising (OBR) ay isang pandaigdigang kilusan para wakasan ang karahasan laban sa kababaihan (cisgender at transgender), mga taong may ibang kasarian, mga bata at pagdambong sa planeta. Ang sentro ng OBR sa Pilipinas ay isa lamang sa libu-libong pandaigdigang aktibidad na ginaganap sa mahigit 90 bansa ngayong Pebrero. Isa lamang din ito sa 130 pang aktibidad na gaganapin sa buong Pilipinas. Inilulunsad ito taun-taon.

AB: OBR 2023: Bumangon para sa kalayaan!