Balita

Indak-protesta ng kababaihang manggagawa para sa karapatan at laban sa karahasan

,

Nasa isang libong kababaihang manggagawa ng Southern Tagalog ang nagtipon sa Laguna para ilunsad ang indak-protesta na bahagi ng kilusang One Billion Rising noong Marso 2. Pinangunahan ng Women Workers United (WWU) ang aktibidad na nanawagan para sa pagwawakas ng karahasan sa lugar ng paggawa, pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas, regular at disenteng trabaho, akses sa pampublikong serbisyo at karapatan ng mga manggagawang mag-unyon.

Nilahukan ang aktibidad ng kababaihan mula sa Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Federation of Free Workers (FFW), Kilusang Mayo Uno (KMU), Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK), Kilos na, Manggagawa (KNM), at GABRIELA.

“Nagkakaisa kami sa paniniwalang dapat walang babae ang maharap sa karahasan o harasment sa lugar ng paggawa,” pahayag ni Joms Salvador, co-convenor ng WWU mula sa Gabriela. Sa ngayon, napakalaganap ang pagmamaltrato sa kababaihang manggagawa sa mga pabrika, at upisina,” aniya.

Inilahad din ng WWU ang 8-puntong adyenda ng kababaihan sa eleksyon. Pangunahin dito ang pagtaas ng sahod at pagpapababa ng mga presyo ng mga bilihin; disente at regular na trabaho; de kalidad na serbisyong publiko; pagwawakas sa diskriminasyon at karahasan na nakabatay sa kasarian; pagsugpo sa korapsyon at pagwaksi sa sistemang padrino; pagkilala sa kahalagahan ng care work o pag-aalaga sa pamilya; at pagtatanggol sa karapatang mag-unyon at kolektibong pakikipagtawaran.

Ang aktibidad ay bahagi ng serye ng mga pagkilos ngayong buwan ng kababaihan, at bahagi rin ng paghahanda sa Pandaigidigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sa Marso 8.

“Ngayong araw, tumindig tayo para igiit na pakinggan ang ating mga boses at iparating ang ating nagkakaisang pasya na isulong ang pakikibaka ng kababaihang manggagawa,” pahayag ni Jillian Roque ng PSLINK sa araw na iyun.

Dumalo sa indak-protesta ang kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na sina Arlene Brosas ng Gabriela at Jerome Adonis ng KMU.

AB: Indak-protesta ng kababaihang manggagawa para sa karapatan at laban sa karahasan