Balita

Ordinansa na nagtatanggol sa mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, naitulak sa Baguio City

,

Pinuri ng mga grupo sa karapatang-tao at progresibong mga samahan ang pagpasa sa ikatlo at huling pagdinig ng Baguio City Council sa Human Rights Defenders Ordinance (City Council Resolution 763-2023) noong Disyembre 9. Ipinasa ito matapos ang higit limang taon na pagtutulak ng mga grupo para kilalanin ang karapatan ng mga nagtataguyod sa karapatang-tao at protektahan sila mula sa mga pang-aatake, tulad ng panggigipit, Red-tagging at iba pang porma ng intimidasyon at karahasan.

“Sa harap ng kumikitid na espasyong sibiko, pinupuri at pinasasalamatan namin ang Baguio City Council sa pagpasa [ng panukala] na kumikilala sa kahalagahan ng trabaho para sa pagtatanggol sa karapatang-tao at pag-institusyunalisa ng proteksyon para [sa kanila],” pahayag ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA).

Isinaad mismo sa panukala ang walang maliw na pangangampanya sa konseho ng Cordillera Youth Center, Tongtongan ti Umili, Youth Act Now Against Tyranny Baguio-Benguet, CHRA, at iba pang organisasyon simula pa 2018 para sa mga patakaran at programang magtatanggol sa mga nagtataguyod ng karapatang-tao. Dahil dito, naisad sa panukala ang komprehensibong balangkas para protektahan ang gawain sa pagtataguyod ng karapatang-tao sa syudad.

Inilatag dito ang 19 na karapatan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Laman din ng panukala ang pagtatayo ng mga sangtwaryo para sa mga nanganganib na tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga biktima ng paglabag; pagbibigay ng ligal at psychosocial na tulong sa kanila; pagparusa sa Red-tagging; at pagsasagawa ng mga aktibidad para ipabatid sa publiko ang kanilang mga karapatang-tao.

Isinaad dito na kaagad dapat iwasto o bawiin ng mga pwersa ng estado at mga pampublikong awtoridad kung magsasagawa sila ng Red-tagging. Sakaling hindi sumunod dito, maaari silang maharap sa mga kasong administratibo at kriminal. Pagmumultahin sila ng ₱1,000 hanggang ₱5,000.

Nakasaad din sa panukala ang pakahulugan at saklaw ng Red-tagging. Kabilang dito ang pagbansag o pagtawag sa mga indibidwal o organisasyon bilang mga komunista, subersibo at terorista sa mga aktibidad sa eskwelahan, pagpapakalat nito sa social media at mga kampanya ng paninira na suportado ng gubyerno.

Naitulak ito ng konseho ng Baguio City sa kabila ng matigas na pagtutol dito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga pampublikong pagdinig at debate sa nagdaang mga buwan. Isinumite na ng konseho sa upisina ni Baguio City Mayor Magalong ang panukala para mapirmahan at maging lokal na batas.

“Kung hindi dahil sa kolekibong pagsisikap ng mamamayan, ang mga panukalang magtitiyak sa proteksyon ng ating mga karapatang-tao ay hindi maisasakatuparan,” pahayag ni Gabriel Siscar, ika-apat na nominado ng Kabataan Party-list na nakabase sa Cordillera.

AB: Ordinansa na nagtatanggol sa mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, naitulak sa Baguio City