Organisador ng magsasaka sa Southern Tagalog, nakalaya matapos ang 2 taon

,

Nakalaya noong Oktubre 6 si Danah Marie Marcellana, istap ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), matapos makapagpyansa sa gawa-gawang kasong rebelyon na isinampa sa kanya ng militar. Pinararatangan siya ng militar na imbwelto sa isang insidente noong 2008, noong siya’y 12 anyos pa lamang.

Si Marcellana ay inaresto noong Hulyo 2021 sa Barangay San Diego, San Pablo City, Laguna kasama ang kanyang asawa na si Christian Relao, koordineytor ng Anakpawis Southern Tagalog. Inaalagaan nila ang kanilang noo’y magdadalawang taong gulang na anak nang sila’y arestuhin. Nananatiling nakakulong ang kanyang asawa sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon sa grupong Free Our Sisters, nagpapasalamat si Marcellana sa lahat ng mga tumulong at nagmalasakit sa kanya para makalaya sa pamamagitan ng pyansa. Ibinahagi ng grupo ang dinanas na panggigipit ng militar kay Marcellana na dahilan para magtagal siya sa piitan. Anang grupo, binago-bago ang kanyang pangalan at pagkakilanlan upang siya’y takutin at pahinain ang kanyang diwa at paninindigan. Sadyang pinatagal ang pagpapalaya sa kanya sa pamamagitan ng pagsasampa sa mga korte sa Catanauan, Quezon ng tatlo pang gawa-gawang kaso.

Sa kabila nito, determinado si Marcellana na ipagpatuloy ang kanyang paghahangad at paglaban para sa hustisya sa pagpaslang ni MGen. Jovito Palparan sa kanyang ina na si Eden Marcellana noong Abril 21, 2003. Kamakailan ay ipinawalang sala ang berdugong si Palparan ng isang korte sa Malolos Bulacan sa mga kasong isinampa ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo para sa kidnapping, iligal na detensyon at serious physical injury.

AB: Organisador ng magsasaka sa Southern Tagalog, nakalaya matapos ang 2 taon