Organisasyon ng magbubukid sa Hacienda Luisita, pinatatag
Nanumpa ang mga bagong halal na pinuno ng Alyansa ng Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (AMBALA) noong Nobyembre 16 sa isang pagtitipon sa Barangay Lourdes, San Miguel, Tarlac City. Isinabay ito sa pagtitipon para gunitain ang masaker noong 2004 kung saan pitong magbubukid ang napatay sa pamamaril ng pwersa ng estado.
Sa pagtitipon, taas-kamao nilang pinarangalan sina Jun David, Adriano Caballero, Jhaivie Basillo, Jesus Laza, Jaime Pastidio, Juancho Sanchez at Jessie Valdez. Nakawelga noon ang United Luisita Workers Union at Central Azucarera de Tarlac Labor Union bilang tugon sa iligal na pagtatanggal sa 326 unyonista. Tugon din ang welga sa mala-aliping pasahod ng kumpanya, na noo’y sumasadsad sa ₱9.50 kada araw.
Liban sa mga martir ng welga, binigyan din ng mga magbubukid ng natatanging pagkilala ang mga pinatay ng mga pulis at militar sa mahigit dalawang dekada nilang paglaban.
Sa dulong bahagi ng pagtitipon, nagpunit sila ng mga kanseladong Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Anila, simbolo ito ng pagtutol nila sa pang-aagaw ng lupa na matagal na dapat na napasakanila. Dala ang kanilang mga panawagan para sa karapatan sa lupa, kabuhayan at paninirahan, nagmartsa sila sa syudad pagkatapos nito.
Asembliya sa bisperas ng paggunita
Inihalal ang bagong mga pinuno ng Ambala sa asembliya nito noong Nobyembre 15, bisperas ng anibersaryo ng masaker. Lumahok dito ang mga lider at miyembro ng Ambala mula sa iba’t ibang barangay. Nasa balikat ngayon ng bagong mga pinuno ng Ambala ang pagbawi sa tagumpay ng welgang bayan at pagpapasigla at pagpapalakas ng organisasyon.
Naging panauhin ng asembliya ang mga lider-magsasaka mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan-National Federation of Peasant Women at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).
Tinalakay ni Ka Ronnie Manalo, tagapangulo ng KMP, ang pambansang kalagayan ng mga magsasaka at ang ugnay nito sa burukrata kapitalismo. Nagdiin si Cathy Estavillo ng Amihan sa kalagayan ng kababaihang magbubukid at ang mahalagang papel ng kanilang pagkilos sa pakikibaka ng masang magsasaka. Naging mahalaga ito lalo’t karamihan ng bagong halal na pinuno ng Ambala ay kababaihan.
Pang-aagaw ng lupa at karahasan
Samantala, iniugnay ng Ariek “Ka Ayik” Casilao, tagapangulo ng UMA, ang pagkakait ng lupa sa mga magbubukid sa sabwatan ng panginoong maylupa at burukrata-kapitalista.
Aniya, ang pagkakait sa mga magbubukid sa kanilang lupa, tulad ng nagaganap sa asyenda, ay maiuugnay sa korapsyon. Ito ay dahil ginagamit ng mga panginoong maylupa ang estado para panatilihin ang kanilang kontrol sa lupa. Malala pa, ginagamit ng mga ito ang estado para supilin ang mga magbubukid na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan.
Litaw na litaw ito sa kaso ng Hacienda Luisita, kung saan ang angkang Cojuangco-Aquino na umangkin sa lupa ay siya ring nakaupo sa estado at nag-utos para dahasin ang welga noong 2004.