Balita

Pag-aresto ng gubyerno ng Qatar sa 17 nagprotestang OFWs, ikinabahala ng grupo ng migrante

,

Nagpahayag ng pagkabahala ang Migrante-Middle East sa pag-aresto ng gubyerno ng Qatar sa 17 overseas Filipino workers (OFW) noong Marso 28. Inaresto sila dahil sa paglulunsad ng “hindi awtorisadong” demonstrasyon sa Qatar.

Ang naturang mga OFW ay nakiisa sa protesta na nagtatanggol kay Rodrigo Duterte at gumugunita sa kanyang ika-80 kaarawan. Ayon sa Migrante-Middle East, kinikilala nila ang karapatan ng mga ito kahit pa magkaiba sila ng pampulitikang paniniwala.

“Idinidiin namin na hindi dapat nila ito ikapahamak o maapektuhan ang kanilang trabaho sa labas ng bansa,” ayon pa sa grupo. Hinimok ng grupo ang mga kapwa Pilipino sa rehiyon ng Gulf Cooperation Council (GCC) na maging maingat sa paglalahad ng kanilang mga pampulitikang pananaw dahil sa kalagayan doon.

Nanawagan ang Migrante-Middle East sa administrasyong Marcos na bigyan ng ligal na tulong ang mga nakakulong na OFW at iwasang gamitin sa pampulitikang bentahe nito bilang punong katunggali ng mga Duterte.

“Ang kagyat na pokus ay dapat nakatuon sa pagtitiyak ng paglaya ng mga naaresto, nang walang kahit anong partisanong adyenda,” anang grupo. Posibleng maharap ang mga inaresto sa parusang anim na buwan hanggang tatlong taon na pagkakakulong at multa na hanggang 50,000 riyal.

Bilang karagdagan, hinimok ng grupo ang mga migranteng manggagawang Pilipino na malalim na suriin ang iba’t ibang isyung pampulitika sa Pilipinas. “Panahon na para itigil ang pag-iidolo sa mga lider sa pulitika, laluna ang mga mula sa dinastiya, na binibitawan ang kanilang mga pangako at tungkulin sa panahong naluklok sa poder,” pahayag ng Migrante-Middle East.

Hamon din sa mga OFW na ituon ang kanilang atensyon sa mga isyung tunay na nakaaapekto sa kanilang araw-araw na pamumuhay at pagkayod para sa kanilang mga pamilya, anito. “Dapat nating ipagpatuloy ang ating laban para sa nakabubuhay na sahod para sa mga pamilyang Pilipino, tunay na repormang agraryo, pagwakas sa kontraktwalisasyon, at paglikha ng mga trabaho sa Pilipinas,” ayon sa grupo.

AB: Pag-aresto ng gubyerno ng Qatar sa 17 nagprotestang OFWs, ikinabahala ng grupo ng migrante