Balita

Pag-atake ng 203rd IBde sa BHB-Mindoro, muling nabigo

Binigo ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang pag-atake ng tropa ng 203rd IBde at 2nd CMO Battalion sa pansamantalang himpilan nito sa Sityo Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Oktubre 1. Organisadong nakaganti ng putok ang hukbong bayan na nakapagdis-organisa sa kaaway dahilan para sila ay umatras.

Dahil sa kabiguan, itinanggi ng 203rd Bde at 1st “Exemplars” Company, 2nd CMO Batallion ang naganap na engkwentro. Pinalalabas nitong hindi isang lehitimong engkwentro ang naganap sa pagitan ng kanilang tropa at ng hukbong bayan.

Kinutya ng mga residente at Mindoreño ang pahayag ng militar sa Facebook. “Sinasabi ng mga sundalo na hindi totoo na may namamatay sa kanila. Tinatago pa nila ang katotohanan dahil sila daw ang batas,” komento ng isa. Dagdag pa niya, “kung oras ng labanan, kahit may namatay sa kanila, hindi nila sinasabi. Kapag NPA namamatay todo post bwisit.”

Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, itinanggi ng militar ang labanan dahil nais nitong pagtakpan ang di makatwirang malawakang operasyon kombat sa gitna ng pinsalang tinamo ng mamamayan sa kalilipas lamang na bagyo.

Mula Agosto, sunud-sunod ang pinsala at pagkatalo ng 203rd IBde sa aktibong pagdepensa ng mga yunit ng BHB-Mindoro laban sa mga pag-atake nito. “Tinitiyak ng hukbo na palaging alerto sa paparating na kaaway, nakukuha ang inisyatiba sa labanan at natitiyak ang pinsala sa kaaway,” ayon kay Ka Madaay.

Sa harap ng pinatinding opensiba at operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro, nanawagan si Ka Madaay sa lahat ng mga yunit ng hukbong bayan sa isla na higit na magpalakas upang labanan ang kaaway. “Upang magawa ito kailangang higit na maging alerto at magbantay sa maitim na plano ng kaaway na durugin ang rebolusyonaryong kilusan ngayong 2025,” aniya.

Dapat umanong patuloy na magsanay sa gitna ng maigting na pakikidigma, patuloy na pukawin, organisahin, at pakilusin ang masa para sa digmang bayan at magpasampa ng mabubuting anak ng bayan sa BHB. “At panghuli, kailangang ilunsad ang lahat ng kakayaning taktikal na opensiba na tatama sa ulo at katawan ng kaaway,” ayon kay Ka Madaay.

AB: Pag-atake ng 203rd IBde sa BHB-Mindoro, muling nabigo