Pag-ipit ng rehimeng US-Marcos sa kapital ng China, inalmahan ng lokal na burgesya-kumprador

,

Umalma si Teresita Sy-Coson, vice-chairperson ng SM Investment Corporation at isa sa pinakamalalaking burgesyang kumprador sa Pilipinas, sa aniya’y “antagonistikong pakikitungo” ng Pilipinas sa China.

Tinutukoy niya ang sunud-sunod na pagpuna ng gubyernong Marcos sa mga naging kumprontasyon ng mga barkong militar at coast guard ng China nitong mga nakaraang buwan. Naging masinsin ang mga misyong nagdadala ng suplay sa nabahurang barkong BSP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa tulak ng US na painitin ang sitwasyon sa rehiyon. Ang mga kumprontasyong ito, na sinasabayan ng mga pagpapalipad ng US ng mga eroplano at drone, ay nagpapalakas sa posibilidad ng pagsiklab ng armadong engkwentro sa karagatan.

“Napakalapit ng China sa atin, di tayo pwedeng maging sobrang antagonistiko,” pahayag ni Sy sa isang artikulo ng magasing Bloomberg na inilathala noong Disyembre 14. Dapat umanong siyasatin ng Pilipinas ang sarili nitong pusisyon. “Ayaw nating madawit sa tensyong US-China.” Dapat umanong maghanap ng paraan na makipagtagisan ang bansa sa “payapang paraan ng negosasyon” dahil “hindi natin mababago kung sino ang ating mga kapitbahay.”

Si Sy ang unang malaking burgesya-kumprador na hayagang nagsalita laban sa “agresibo” na pakikitungo ng rehimeng Marcos sa China, na kaiba sa nakayukong pakikitungo rito ng rehimeng Duterte. Isa ang kanilang pamilya sa lubos na nakinabang sa pagpasok ng kapital ng China sa Pilipinas sa panahong nakikipagsabwatan pa ang US dito para itulak ang lubos na pagbubukas ng lokal na ekonomya sa ngalan ng “malayang kalakalan” at iba pang mga patakarang neoliberal sa Pilipinas. Ngayong pinaiigting ng US ang panunulsol nito ng gera sa South China Sea, iniipit na nito ang daloy ng kapital at produktong Chinese na dati nitong hinikayat.

Ayon sa Komite Sentral ng PKP sa pahayag nito noong Disyembre 26, “ang tulak ng US na bagbagin ang China ay pag-atras mula sa matagal na panahon ng sabwatan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan sa pagpapataw ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas mula dekada 1990.”

Mula dekada 1990, hinayaan ng US ang walang sagkang pagtatambak ng sarplas na kapital at produkto ang China sa Pilipinas. Mula sa milyun-milyon, lumaki tungong $2.5 trilyon ang direktang ipinamuhunan ng China sa Pilipinas sa loob ng mahigit dalawang dekada. Gayunpaman, malayong maliit ito sa kumpara sa pamumuhunang ibinubuhos ng Japan, US at iba pang mas tradisyunal na mga “partner” ng Pilipinas sa ekonomya.

Mas malaki ang halaga at bolyum ng mga sarplas na produkto na pinayagang itambak ng China sa bansa. Mula 2000, taunang lumaki ang mga import ng 42%. Noong 2016, nalagpasan nito ang Japan bilang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas. Sa ngayon, ito ang pinakamalaking pinagkukunan ng import ng Pilipinas, at pangalawang pinakamalaking merkado ng mga eksport nito. Ayon sa datos ng China, umabot sa $21.7 bilyong halaga ng mga produkto ang naeksport nito sa Pilipinas sa unang siyam na buwam pa lamang ng 2023. Isa sa produktong ito ang repinadong langis, na susi sa pagpapatakbo ng lokal na ekonomya.

Ayon pa sa KS, “nagamit ng oligarkiya sa pinansya ng China ang panahong ito para palawakin ang operasyong komersyal at pampinansya sa Pilipinas, kasama ng mga bangkong US at Japanese, at magpundar ng sarili nitong base sa hanay ng mga burgesyang kumprador at burukratang kapitalista.”

Agresibong nagpalawak ng pamumuhunan ang China sa bansa sa panahon ng rehimeng Arroyo. Mula 2001-2010, pumasok ang Pilipinas sa 15 bilateral na kasunduan at 20 malalaking proyekto. Naudlot ang karamihan sa mga ito dulot ng matinding pag-aagawan sa mga kontrata ng mga burukrata-kapitalista. Isa rito ang kontratang pinasok ng rehimeng Arroyo sa ZTE para maglatag ng imprastrukturang telekomunikasyon na natigil dahil sa pagkalantad ng matinding korapsyon rito ni Gloria Arroyo mismo. Sa panahong ito nabuo ang sosyohan ng China at ng mga kumpanya ni Enrique Razon para kontrolin ang National Grid Corporation of the Philippines. Kalaunan, ibinenta ni Razon ang kanyang mga sapi sa kumpanya sa pamilyang Sy, na siyang kasosyo ng China hanggang ngayon.

Nagpatuloy ang mga sosyohan ng pinakamalalaking burgesyang Pilipino at mga kumpanyang Chinese sa ilalim ni Benigno Aquino III. Ilan sa may pinakamalalaking pakinabang ay ang mga kumpanya ni Lucio Tan (Asia Brewery/Philippine Airlines), Carlos Chan (Oishi/Liwayway), John Gokongwei (JG Summit Investments), Joey Antonio, Alfredo Yao (Zest Air/Zesto/Philippine Business Bank) at George Ty (Metrobank). Tulad ng gamit ng US sa iba’t ibang kapunan ng komersyo, pinadaloy ng China ang puhunan nito sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. Binuhusan ng China ng kapital at mga kontrata ang naturang mga “taipan” para magpalawak ng negosyo hindi lamang sa loob ng bansa, kundi pati sa Beijing, Shanghai at iba pang malalaking syudad nito.

Samantala, matagalang naipundar ng China ang pamumuhunan sa masasaklaw na negosyo ng pamilyang Sy sa imprastruktura, enerhiya at pagbabangko. Kabilang sa sosyohan ng pamiyang Sy at ng estado at mga kumpanyang Chinese ang mga proyektong reklamasyon para maglatag ng mga artipisyal na mga isla sa Manila Bay. Liban dito, mahigpit na nakaugnay ang negosyong retail at mga mall nito sa mga suplayer na Chinese.

Pinakalitaw at agresibo ang pagtutulak ng China sa panahon ni Rodrigo Duterte, kung saan lubos na nabiyayaan ang mga kroni niyang mga negosyanteng nakabase sa Davao. Pinakamalaki rito si Dennis Uy, na nakipagsosyo sa China sa tangka nitong magtayo ng imprastruktura para sa telekomunikasyon at lumamon ng maraming kumpanya sa maiksing panahon. Isa sa mga kumpanyang binili ni Uy noong 2016 ang 2GO Group Incorporated, kung saan kasosyo niya ang pamilyang Sy. (Ang mga Sy ang “banker” o tagapagbigay utang ni Uy.)

Kahit sa panahon ng rehimeng US-Marcos Jr, tuloy ang paghahabol ng lokal na burgesya sa kapital ng China. Noong Enero 2023, pumunta ng China si Ferdinand Marcos Jr, at nilagdaan ang 15 bilateral na kasunduan sa pagitan ng kanyang gubyerno at gubyernong Chinese.

Nagbago ang ihip ng hangin mula kalagitnaan ng 2023 kasabay ng pag-iibayo ng US sa panunulsol ng gera sa South China Sea.

Sa dikta ng US, kinansela ng gubyernong Marcos ang mga utang at kontrata ng gubyerno na pinopondohan ng China. Kabilang sa mga kinansela ang mga proyektong Philippine National Railways South Long Haul, Subic-Clark Railway at Mindanao Railway, pabor sa mga pautang mula sa World Bank and the Asian Development Bank. Tinutulak din ang pagkansela sa iba pang proyektong pinopondohan ng China tulad ng Samal Island-Davao City Connector Project, Chico River Pump Irrigation Project, New Centennial Water Source (Kaliwa Dam Project), at mga proyektong CCTV (closed-circuit television) sa Marikina, Parañaque, Pasig, San Juan at Valenzuela, na karamiha’y kinontrata sa panahon ng nagdaang rehimeng Duterte. Ipinatigil din ng US ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na pinondohan ng China, laluna ang mga dikit sa embahada nito sa Roxas Blvd.

Isa sa pinakatinamaan ang kroni ni Duterte na si Uy, na tuluy-tuloy nang nalulugi bago pa man magtapos ang termino ni Duterte. Nasa proseso siya ngayon ng pagbebenta ng kanyang mga negosyo. Isa pang lubhang apektado ang pamilyang Gatchalian, na tinamaan ang proyektong reklamasyon na sosyohan nito sa isang kumpanyang Chinese na nasa “blacklist” ng US.

“Sa panggigipit ng akses sa kapital ng China, pinaliliit ng imperyalismong US ang pinaghahatiang pinansya ng mga naghaharing uri, na nagbubunsod ng tumitinding agawan ng magkakaribal na pangkatin,” ayon pa sa KS.

AB: Pag-ipit ng rehimeng US-Marcos sa kapital ng China, inalmahan ng lokal na burgesya-kumprador