Pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas batay sa GDP, huwad at tulak ng korapsyon
Napatunayan na hungkag ang dating ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos na paglago ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas sa huling datos na inilabas ng Philipine Statistics Authority. Ayon sa ahensya, lumago lamang ang GDP nang 4% sa ikatlong kwarto ng taon. Di kasama ang mga taon ng pandemya, pinakamabagal ito sa nakaraang 14 taon.
Malayo ang 4% na pag-unlad sa 5.6% na paglago sa parehong kwarto ng 2024. Nagkamali ang maraming ekonomista sa kanilang tayang lalago ang ekonomya nang na 6% sa ikatlong kwarto. Dahil dito, tiyak na hindi na makakamit ng rehimen ang target nitong 5.5–6.5% paglago sa GDP sa buong 2025.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, pinakamalaki ang pagbagsak ng pampublikong konstruksyon sa tantos na 26.2%. Idinadahilan ng rehimen ang kunwa’y “mas istrikto ng proseso ng DPWH” sa gitna ng iskandalo ng mga anomalya at korapsyon sa mga proyektong flood control.
Pero ayon sa Ibon, nagpapakita ito na tulak ng korapsyon ang malaking bahagi ng ipinagmamayabang ng rehimen na paglago ng lokal na ekonomya sa nakaraan.
“Korapsyon ang nagpalobo sa gastos ng gubyerno, at nagpayaman sa iilan imbes na nagtulak ng tunay na pag-unlad sa ekonomya at nagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino,” ayon sa institusyon. Sa unang tatlong taon ng rehimen, lumobo ang paggastos para sa pampublikong konstruksyon nang 27%. Halos doble ito sa tantos ng gastos sa imprastuktura ng rehimeng Duterte (14.8%) at ilang ulit pang mas malaki kumpara sa rehimeng Aquino II (-28.6%).
Pero kahit pa tumaas ang GDP, wala itong silbi sa ordinaryong mamamayan, ayon sa Ibon. Bagsak ang paggastos ng mga pamilya (household consumption) dahil sa nakapakong sahod at sweldo. Lumaki lamang ito nang 4.1%, pinakamababa sa nakaraang 15 taon (di kasama ang mga taon ng pandemya). Binubuo ng household consumption ang 70% ng GDP.
Mas malala, patuloy ang pagbagsak ng tunay na halaga ng sahod dahil nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ang pinakamataas na antas ng sahod na ₱695/araw sa NCR ay may tunay na halaga na ₱550 lamang. Kulang na kulang ang sahod kumpara sa nakabubuhay na sahod na ₱1,225/araw. Tiyak na lalo pang titindi ang paghihirap ng mga pamilyang Pilipino sa harap ng malawakang pinsalang dulot ng magkakasunod na bagyo nitong Nobyembre.
Anu’t anuman, malaking problema kung GDP lamang ang gagamiting sukatan ng pag-unlad, ayon sa Ibon.
Sa halip na GDP, iginiit ng Ibon na ang tunay na pag-unlad ay masusukat lamang sa paglaki ng tunay na sahod at kita ng pamilya, akses sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon at pabahay. Gayundin, dapat gamiting panukat ang tunay na pagbaba ng kahirapan at di pagkakapantay-pantay, katiyakan sa pagkain at pag-unlad ng industriya at agrikulturang Pilipino.