Pagbabasura sa petisyon laban sa pagtatalaga sa mga aktibista bilang mga terorista, kinundena
Mariing binatikos ng mga grupong nagsusulong ng karapatang tao, gayundin ng mga katutubo at abugado, ang desisyon ng Regional Trial Court ng Bagiuo City ang pagbasura sa petisyon ng mga lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA) na nagkwestyon sa ligalidad at pagtalaga sa kanila bilang terorista sa ilalim ng Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020.
Noong Hunyo 2023, tinaguriang mga terorista ng Anti-Terrorism Council sina Windel Bolinget, Sarah Alikes, Jennifer Taggaoa, at Stephen Tauli. Malisyoso silang inaakusahang mga lider ng Communist Party of the Philippines sa Cordillera at Ilocos. Ibinatay ang kaso sa testimonya ng isang Kenjie Leciones, isang diumanong dating rebelde.
Naghain ang mga akusado ng petition para sa certiorari sa RTC noong November 23, 2023, upang igiit na nilabag ng designasyon ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at na ang ilang probisyon ng ATA ay labag sa konstitusyon kung iaangkop sa kanilang kaso.
Ang petisyon para sa certiorari ay nagbibigay-daan sa mga partido na humiling ng pagrebyu ng hudikatura sa mga usaping legal na maaaring may malalaking implikasyon o may kinalaman sa mahahalagang katanungan sa batas. Karaniwang inihahain ito para masuri ng mas mataas na hukuman ang desisyon ng mababang hukuman.
Sa desisyong inilabas ng Bagiuo RTC Branch 78 noong Abril 30, 2026, kinatigan ang bisa ng mga probisyon ng ATA. Anito, hindi lumabag sa tamang proseso ang designasyon at ang freeze order dahil ito ay hakbang para iwasan ang paggamit ng pondo sa teroristang mga aktbidad. Itinuring din nitong sapat ang umiiral na mga safeguard tulad ng publikasyon at proseso ng delisting. Binigyan ng korte ng bigat ang testimonya ni Lecciones, at sinabing bigo ang mga petisyuner na magharap ng ebidensyang makapagtatanggol laban sa kanyang mga pahayag.
Ayon sa Katribu, ang desisyon ay isang malubhang inhustisya laban sa mga lider katutubo at mga komunidad na nagtatanggol sa kanilang karapatan at lupa. Anito, malinaw na walang kapani-paniwalang batayan ang pagturing sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo bilang mga terorista.
“Kami ay tinaguriang mga terorista nang hindi dumaan sa tamang proseso, walang batayan, at nagdusa mula sa hindi makatarungan at arbitraryong designasyon,” paliwang ni Windel Bolinget, pangkalahatang kalihim ng CPA. Aniya, labag sa kanilang mga karapatan at pundamental na mga kalayaan ang isinampang kaso sa kanila. “Isa itong malinaw na patunay na dapat na agarang ideklarang labag sa onstitusyon ang Anti-Terrorism Act,” aniya.
“Nagpapahayag ito ng nakakatakot na mensahe, na ang mga hayagang kumukundena sa umiiral na kalagayan, at nagsusulong ng kanilang adbokasiya at pakikibaka…ay maaaring mawalan ng epektibong remedyo kahit na inaatake na ang kanilang pangunahing mga karapatan,” paliwanag ni Cristina Palabay, pangakalahatang kalihin ng Karapatan.
Nagpahayag ng malubhang pagkadismaya ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa desisyon ng korte.
“Ipinagkakait ng desisyon sa mga petisyuner ang epektibong hudisyal na pagsusuri sa kabila ng malinaw na ebidensiya ng seryosong paglabag sa Konstitusyon… hindi nito kinikilala ang malalalim na implikasyon ng pagtatalaga bilang terorista, kabilang ang pagsupil sa lehitimong adbokasiya, paghihigpit sa mga pangunahing kalayaan, matinding pinsala sa reputasyon, at patuloy na banta ng pananagutang kriminal,” paliwanag ng NUPL.
Kinuwestyon din ng grupo ang pag-asa ng korte sa testimonya ni Lecciones, isang testigo ng militar, na ang mga akusasyon ay walang maibigay na inependyente o ebidensyang sumusuporta sa kanyang pahayag.
“Ang nakataya rito ay kung pahihintulutan ng ating kaayusang konstitusyonal ang isang umiiral na mekanismo ng panunupil—na nakabalot sa wika ng kontra-terorismo ngunit walang sapat na mga pananggalang, tamang proseso, at pananagutan ng hudikatura,” paliwanag ng grupo.