Balita

Pagbasura ng Korte Suprema sa reklamong impeachment kay Sara Duterte, binatikos

,

Kabi-kabila ang pagbatikos ng iba’t ibang grupo at indibidwal, kabilang ang mga abugado at eksperto, sa desisyon ng Korte Suprema na “di konstitusyunal” ang pagkaka-impeach kay Sara Duterte bilang bise presidente dahil nilabag ng Mababang Kapulungan ang sarili nitong proseso sa impeachment.

Ngayong araw, nagprotesta ang iba-ibang grupo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa desisyon.

“Mapanganib (ang desisyon ng korte) dahil lalo nitong pinahihirapan ang ordinaryong mamamayan na papanagutin ang mga upisyal pampubliko, nang-eenggannyo ng kamalian at kawalang pakundangan sa pinakamataas na antas ng gubyerno,” ayon kay Teddy Casino, presidente ng Bagong Alyansang Makabayan.

Aniya, mali ang pagtingin ng Korte Suprema sa pagkakasunud-sunod ng pagsasampa ng apat na impeachment complaint at hindi totoo na nilabag ng Mababang Kapulungan ang pagbabawal ng pagsasampa ng magkasunod na impeachment complaint sa loob ng isang taon. Bagamat may naunang tatlong impeachment complaint na isinumite sa Justice committee, hindi ito inaksyunan ng Kongreso. Tanging ang pang-apat na complaint, na isinumite noong Pebrero ang itinuturing na “initiated” o pinagulong ng Kongreso.

Paliwanag naman ng mga eksperto, mali ang pagtingin ng Korte Suprema na dapat binigyan ng Kongreso ng pagkakataon si Duterte sagutin ang kasong impeachment na isinampa sa kanya at pinirmahan ng higit 1/3 ng mga mambabatas. Wala ito sa proseso na itinakda ng konstitusyon.

“Ang mga desisyon ng Korte Suprema ay hindi palaging tama. Sa kasaysayan ay marami nang naging desisyon ang Korte Suprema na kontra sa interes ng taumbayan,” pahayag ng ACT Teachers Party-list. Tinawag ng partido na “patambling-tambling” ang lohika ng desisyon para mapawalambisa ang impeachment. Sinabi din nitong malaking sampal sa mga Pilipino na naghahangad ng pananagutan sa mga upisyal ng gubyerno.

“Ang ninakaw ni Sara Duterte ay higit 600 million. Pag hindi natin siya pinapanagot, paano na ang may mga mas malalaking ninakaw sa kaban ng bayan? Kaya pinapakita lang na isa itong buong sistema ng kawalang pananagutan at ang taumbayan ang dapat wumasak sa ganitong sistema,” giit ni Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno.

AB: Pagbasura ng Korte Suprema sa reklamong impeachment kay Sara Duterte, binatikos