Pagbasura sa kasong krimen sa digma sa mga sangkot sa Antique 7 Massacre, inapela ng mga kaanak
Nag-apela sa Korte Suprema noong Enero 3 ang mga kaanak ng mga biktima ng Antique 7 Massacre laban sa pagbasura ng Ombudsman sa isinampa nilang kasong krimen sa digma at pagpatay sa mga pwersa ng estado na sangkot sa masaker. Isinampa nila ang ibinasurang kaso noong Agosto 2019.
Ang kasong isinampa ng mga kaanak ay kaugnay ng pagpatay ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pitong rebolusyonaryo na sina Felix Salditos, Peter Mecenas, Jayson Talibo, Liezel Bandiola, Jason Sanchez, Eldie Labinghisa, at Karen Ceralvo. Ang pito ay mga hindi armadong istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at walang kalaban-labang pinaslang noong hatinggabi ng Agosto 15, 2018 sa Barangay Atabay, San Jose, Antique.
Sa isinampang petition for certiorari ng mga pamilya sa Korte Suprema, nanawagan itong baligtarin ang desisyon ng Ombudsman. Anila, mayroong sapat na ebidensyang forensic para isakdal ang PNP at AFP at para imbestigahan ang iba pang tropa ng gubyerno na sangkot sa masaker. Mismong autopsy na isinagawa ng Commission on Human Rights ang nagsiwalat na mayroong mga marka ng “blunt force” sa bangkay ng mga biktima taliwas sa sinabi ng pulis at militar na napatay ang pito sa tama ng bala.
“Ang pagbasura ng Ombudsman sa mga reklamo, batay sa kwestyunableng paglalapat ng prinsipyo ng ‘presumption of regularity’ (pagpapatupad ng gawain na naaayon sa batas) at ang pagtangging i-subpeona ang krusyal na mga dokumento, ay nagkait ng hustisya sa mga biktima at kanilang mga pamilya at ng nagpatindi ng kawalang pakundangan sa bansa,” ayon sa Panay Alliance Karapatan.
Sa pag-apela sa Korte Suprema, umaasa ang mga pamilya ng mga biktima na makakamtan ang hustisya at pananagutan sa Antique 7 Massacre. “Nananawagan kami sa Korte Suprema na tiyakin na sumusunod ang gubyerno ng Pilipinas sa ligal na mga obligasyon nito na mahigpit na ipatupad ang mga batas sa pagiging makatao at karapatang-tao sa gitna ng armadong tunggalian,” ayon pa sa grupo.
Nanawagan rin ang grupo sa publiko at mga grupong nagtataguyod ng karapatang-tao at hustisya na suportahan ang pamilya sa kanilang laban para sa katotohanan at pananagutan.