Balita

Pagdakip ng organisador ng magsasaka sa Isabela, kinundena ng grupo sa karapatang-tao

,

Kinundena ng Karapatan-Cagayan Valley ang anito’y iligal na pagdakip kay Stalin Valencia, isang organisador ng magsasaka. Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at 5th ID si Valencia noong Nobyembre 15 sa San Mateo, Isabela. Sinabi ng mga pulis na kumakaharap siya sa patung-patong na mga kasong kriminal, kabilang ang bigong pagpatay, pagpatay at panununog sa Cagayan Valley.

Ayon sa Karapatan-CV, mahigit 20 nakasibilyang tauhan ng pulis at militar ang “biglaang dumampot” kay Valencia. Hindi kaagad ipinabatid sa pamilya at mga grupo sa karapatang-tao ang kanyang kinaroroonan.

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa AFP at PNP na igalang ang mga karapatan ng kaanak ni Valencia na makita at makausap siya. Dapat anitong pahintulutan si Valencia na pumili ng abugadong kakatawan sa kanya.

Liban sa kinahaharap na mga kaso ni Valencia, pinararatangan din siya ng 5th ID bilang mataas na upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas at dating lider ng Panrehiyong Kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa Cagayan Valley.

Sa pagkakaaresto kay Valencia, mapapabilang siya sa higit 700 bilanggong pulitikal sa buong bansa sa kasalukuyan.

AB: Pagdakip ng organisador ng magsasaka sa Isabela, kinundena ng grupo sa karapatang-tao