Balita

Pagdisiplina sa abugado ni Duterte dahil sa pagkalat ng maling impormasyon, hiniling sa ICC

,

Hiniling ng 21 organisasyon ng mga abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa International Criminal Court noong Setyembre 29 na patawan ng aksyong pandisiplina ang abugado ni Rodrigo Duterte na si Nicolas Kaufman dahil sa paulit-ulit na pambabaluktot nito sa proseso ng korte at pagkakalat ng maling impormasyon kaugnay sa kaso ng kanyang kliyente. Kabilang sa mga grupong pumirma sa petisyon ang Karapatan, Duterte Panagutin Network, Free Legal Assistance Group at Rise Up for Life.

Anila, binaluktot ni Kaufman ang aktwal na mga pangyayari at pahayag para paboran ang kanyang kliyente. Isa rito ang ipinagkalat ni Kaufman na sumang-ayon ang prosekusyon sa petisyon nito para sa interim release o pansamantalang paglaya ni Duterte noong Hunyo na mariing pinabulaanan ng prosekusyon. Nitong huli, sinabi naman ni Kaufman na hindi tutol ang gubyerno ng Pilipinas sa interim release ni Duterte batay sa nabanggit ng tagapagsalita ng rehimeng Marcos na “tatanggapin ng gubyerno ang anumang desisyon ng ICC.” Inilinaw ng tagapagsalita ng Malacanang na walang gayong pusisyon ang gubyerno ng Pilipnas. Sa kabila ng mga paglilinaw na ito, walang pakundangang ipinagkalat ng mga Duterte at kanilang makinarya sa social media ang mga kasinungalingang ito.

Ayon sa mga grupo, ang paulit-ulit na pagbaluktot ng mahahalagang katotohanan ay sadyang panlilinlang at panlilito ay “direktang pagpapakalat ng maling impormasyon.”

Hiniling ng petisyon na imbestigahan ang abugado sa ilalim ng ICC Rule 36 at Article 70 ng Rome Statute, na tumutukoy sa mga pagkakasala laban sa pamamahala ng hustisya, kabilang ang panlilinlang sa korte. “Ang mga paulit-ulit na maling presentasyon ay hindi lamang nakasasama sa proseso kundi nagpapalakas din ng mga kampanya ng maling impormasyon na nagpapababa ng tiwala sa ICC,” ayon sa mga grupo. Anila, ang taktika ni Kaufman, na pinalakas sa social media ng mga tagasuporta ni Duterte, ay nagpapalala sa polarisasyon sa Pilipinas, kung saan kontrobersyal pa rin ang epekto ng digmaan laban sa droga.

Ilang linggo bago nito, isinapubliko ng ICC ang tatlong mahahalagang dokumento na sumusuporta sa kaso laban kay Duterte: ang Document Containing the Charges (DCC), isang listahan ng 181 ebidensya, at isang pre-confirmation brief, na may petsang Hulyo 4.

Laman ng DCC ang tatlong dami ng krimen laban sa sangkatauhan na iniharap sana kay Duterte kung natuloy ang kumpirmasyon ng kanyang kaso noong Setyembre 23. Kabilang sa ebidensyang isinumite ng prosekusyon ang mga pahayag ng saksi, rekord ng pulis, at mga sariling pag-amin ni Duterte, tulad ng pagyayabang na siya ang “aangkin ng buong legal na responsibilidad” sa mga pagpatay. Tinawag ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang mga dokumentong ito bilang “mahalagang hakbang tungo sa pananagutan,” na tinatayang mahigit 30,000 ang napatay sa “war on drugs.”

Samantala, patuloy na ginagamit ng pamilya ni Duterte ang kunwa’y mahina niyang kalusugan para iligtas siya sa kaso. Noong Setyembre 24, inatake ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte ang ICC sa kunwa’y di kinakailangan at “di-awtorisadong panghihimasok” na “welfare check” ng embahada ng Pilipinas sa Scheveningen Prison at sinabi pang nilabag nito ang pribasiya ng kanyang ama. Nilinaw ng ICC na may pahintulot ni Duterte mismo ang bisita. Alinsunod din ito sa Vienna Convention, ayon naman sa Department of Foreign Affairs.

Nagkalat din ng di beripikadong impormasyon ang nakababatang Duterte noong Setyembre 27, sa pagsasabing natagpuan diumano ang kanyang ama na walang malay sa kanyang selda. Pinabulaanan ito mismo ng dating asawa ng matandang Duterte na si Elizabeth Zimmerman na nagsabing siya ay nasa “maayos na kalagayan.”

Patuloy na umaasa ang mga biktima ng gera kontra-droga ni Duterte na matuloy na sa pinakamaagang panahon ang kumpirmasyon ng kanyang mga kaso, maidaos na ang paglilitis at maparusahan siya sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.

AB: Pagdisiplina sa abugado ni Duterte dahil sa pagkalat ng maling impormasyon, hiniling sa ICC